• Home
  • Fresh Scoops
  • Tatlong buwan matapos ang insidente ng pambubugbog umano ng aktor, tila mas nangibabaw pa rin ang pagmamahal ni Ana Jalandoni kay Kit Thompson.

Ana Jalandoni, napatawad na si Kit Thompson?

Tatlong buwan matapos ang insidente ng pambubugbog umano ng aktor, tila mas nangibabaw pa rin ang pagmamahal ni Ana Jalandoni kay Kit Thompson.

Ana Jalandoni, napatawad na si Kit Thompson?-Kiko Escuadro
BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

06/08/2022 11:36 PM
Ana Jalandoni, napatawad na si Kit Thompson?
Photo credits: @ kitthompson on Instagram and @mjfelipe on Twitter

“Napatawad ko na siya.”

Ito ang sambit ng sexy actress na si Ana Jalandoni matapos ang kinaharap na kontrobersya sa naging relasyon niya sa aktor na si Kit Thompson.

Sa update ng ABS-CBN News, ibinahagi umano ni Ana na siya ay nasa proseso ngayon ng pagmo-move on at healing kasunod ng pinagdaanang kontrobersiya.


Matatandaan na Marso nitong taon, inakusahan ni Ana si Kit ng pambubugbog at pananakit umano nito sa kaniya na nauwi sa tila pagwa-wakas ng kanilang relasyon.

READ: Ana Jalandoni, tuloy ang kaso laban kay Kit Thompson: ‘Hindi ko deserve ang nangyari’

Sa emosyonal na panayam noon ng PUSH kay Ana, hindi niya inasahan ang sinapit na pang-aabuso mula sa mismong taong minamahal niya.

“Hindi po kaya sabihin ang nararamdaman ko. Masakit po sa loob ang pinagdaanan ko, hindi ko po nakita na mangyayari sa akin ‘yon. Hindi ko inasahan na mahal ko,” ani sexy actress sa naging ulat ng PUSH.

Matatandaan rin na kasunod ng naging insidente, inamin noon ng sexy actress na hindi biro ang sakit na pinagdaanan niya dahil sa nobyong aktor.

“Wala pong babae na gustong masaktan tulad ng dinanas ko. Marami po akong pinagdaanan sa buhay ko na nalagpasan ko. Pero ang nangyari sa akin, hindi ko alam kung kakayanin ko.”

Sa bahagi rin ng huling ulat ng PUSH, hindi itinanggi noon ni Ana na nanatili ang kaniyang pagmamahal sa aktor sa kabila ng sinapit na pananakit umano nito sa kaniya.

“Mahal ko pa din siya,” emosyonal na pahayag ni Ana. “Hindi po ‘yun ganung kadali na mawala.”

READ: Ama ni Ana Jalandoni, dismayado kay Kit Thompson

Sa ngayon, hindi naman tiyak kung inatras na rin ba ng kampo ni Ana ang kaniyang kaso laban sa aktor na nanatili pa rin na mailap sa publiko matapos ang pinagdaanang issue.