• Home
  • Fresh Scoops
  • Hindi naiwasan ni Ana Jalandoni maging emosyonal sa pagbabahagi ng pinagdaanang pang-aabuso umano sa kamay ni Kit Thompson.

Ana Jalandoni, tuloy ang kaso laban kay Kit Thompson: ‘Hindi ko deserve ang nangyari’

Hindi naiwasan ni Ana Jalandoni maging emosyonal sa pagbabahagi ng pinagdaanang pang-aabuso umano sa kamay ni Kit Thompson.

Ana Jalandoni, tuloy ang kaso laban kay Kit Thompson: ‘Hindi ko deserve ang nangyari’-Kiko Escuadro
BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

03/28/2022 07:39 PM
Ana Jalandoni, tuloy ang kaso laban kay Kit Thompson: ‘Hindi ko deserve ang nangyari’

Balisa na humarap sa piling miyembro ng entertainment media ang sexy actress na si Ana Jalandoni. Si Ana ang girlfriend ng aktor na si Kit Thompson. 

Kamakailan lang, naging laman ng mga balita ang umano ay pambubugbog at pagkulong ng aktor kay Ana sa isang hotel sa Tagaytay. 

Read: Kit Thompson behind bars after Tagaytay incident; girlfriend recuperating in hospital


Nitong Lunes, March 28, kasama ang kaniyang legal team, emosyonal na nagbahagi si Ana ng ilan sa mga naging pananakit at ilang pangyayari umano na naranasan niya sa kamay ng aktor.  

Hindi ko po masabi. Hindi ko po kayang ikuwento lahat,” umiiyak na panayam ni Ana. “Nasaktan po ako,” lumuluhang sambit nito. 

Ayon kay Ana, hindi niya inasahan na sasapitin niya ang pang-aabuso mula sa mismong taong minamahal niya. 

Hindi po kaya sabihin ang nararamdaman ko. Masakit po sa loob ang pinagdaanan ko, hindi ko po nakita na mangyayari sa akin ‘yon. Hindi ko inasahan na mahal ko,” ani ng sexy actress. 

Aminado rin ang sexy actress na hindi biro ang sakit at emosyonal na pinagdaanan niya sa naging pananakit umano ng nobyong aktor sa kaniya. 

Wala pong babae na gustong masaktan tulad ng dinanas ko. Marami po akong pinagdaanan sa buhay ko na nalagpasan ko. Pero ang nangyari sa akin, hindi ko alam kung kakayanin ko,” emosyonal niyang sagot. 

Patuloy niya pa: “Blanko po ang isip ko, hirap po ang puso ko dahil nasaktan po ako ng lubusan.”  

Read: Ana Jalandoni’s camp: ‘We are preparing to press charges to the fullest extent of the law’

Sa bahagi ng salaysay ni Ana, aminado rin ito na aware siya sa sinasabing “Anger Problem” umano ng aktor, pero hindi niya inasahan ang sinapit niya dito.  

Alam ko po ‘yung anger problem niya. Sinabi niya po ‘yun sa akin na hindi niya po kayang i-control,” sambit ng sexy actress. 

Binigyang diin rin ni Ana ang issue ng “Third Party” na umano ay ugat ng kanilang away. 

Wala po akong ibang karelasyon or third party.” mariing pahayag ni Ana.  

Dito, inamin naman ni Ana na mayroong isang taong pinagselosan ang aktor.  

Mayroon po siyang pinagseselosan, ‘yung ex ko po,” lahad ng aktres.  

Sa bahagi ng pahayag ng sexy actress, ninais rin niyang tuldukan ang naglalabasang issue na siya ay ikinasal sa ex-boyfriend noong 2017. 

Direchong sagot ni Ana: “Kinasal po ako noon, sa States po.” Tugon ng sexy actress sa issue ng third party. Patuloy ni Ana: “Pero hindi rin po kami nagsama sa iisang bahay. kasi September 2017 ‘yun, December umuwi siya ng Pilipinas. January 2018, hiwalay na po kami.” 

Hindi rin naiwasan na maitanong kay Ana kung ano ang nararamdaman niya kay Kit matapos ang hinaharap nilang insidente. 

Mahal ko pa din siya,” emosyonal na pahayag ni Ana “Hindi po ‘yun ganung kadali at mawala,” sambit pa niya. 

READ: Kit Thompson’s agency releases statement on issue surrounding actor

Nangingibabaw man ang pagmamahal, mas minabuti ni Ana na ituloy pa rin ang pagsasampa ng kaso laban sa aktor. 

Pero siyempre, hindi ko deserve ‘yung nangyari sa akin. Hindi ko pa rin po naiisip ‘yung tanong na kung magkakabalikan kami dahil wala po ‘yun sa isip ko. Ang importante po sa akin ngayon ay ipaglaban ‘yung karapatan ko bilang babae dahil hindi ko matanggap-tanggap ‘yung nangyari sa akin, pero ‘yung sa love po, andon pa rin po siya.” 

Kasama ang legal team ni Ana sa pangunguna ni Attorney Faye Singson sa pagsampa ng patong-patong na kaso laban kay Kit.