• Home
  • Fresh Scoops
  • Jeric Raval, aminadong nahirapan mag-adjust sa kanyang gay role.

Jeric Raval on doing a gay role in ‘Barumbadings’: ‘Inaalibadbaran ako dahil ang suot ko bra, stiletto tapos leggings’

Jeric Raval, aminadong nahirapan mag-adjust sa kanyang gay role.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/16/2021 01:03 PM
Jeric Raval on doing a gay role in ‘Barumbadings’: ‘Inaalibadbaran ako dahil ang suot ko bra, stiletto tapos leggings’
Photo credit: @ajravss Instagram (L) and VinCentiments YouTube Channel (R)

Bilang isang kilalang action star ay aminado si Jeric Raval na malaking challenge sa kanya ang gumanap ng isang bading sa pelikulang Barumbadings. Ginagampanan ni Jeric ang karakter ni Izzy sa pelikula ng Viva Films na isinulat at idinirek ni Darryl Yap.

“For me being an action star medyo nahirapan po talaga akong mag-adjust. Siyempre, marami akong action movies na ginawa so nahirapan akong mag-adjust sa galawan—kung paano kumilos ng malambot, kung paano magsalita ng medyo malambot. 

“So, pinaghandaan ko dito yung paglalakad ng naka-stiletto, paano makipag-fight scene na naka-stiletto. Lahat po kami nahirapan do’n,” kuwento ni Jeric sa PUSH sa ginanap na virtual mediacon ng pelikula nitong Miyerkules, October 13.


Patuloy niya, “Bago ko naman po tanggapin yan, siyempre being an actor tapos kami yung napili so sabi ko sa sarili ko, first time kong gagawin ito, at dito lang ako nabigyan ng ganitong klaseng role kaya challenging. Kumbaga, maiba naman at hindi naman ako nagkamali na tinanggap ko ito.”

READ: Darryl Yap directs new LGBTQ film ‘Barumbadings’

Inamin din ni Jeric na bukod sa pag-portray ng isang gay character in the film ay napakalaking challenge din ang pagsusuot niya ng damit na pambabae, stilletom at bra habang ginagawa ang ilang mga eksena sa pelikula.

Aniya, “Napakahirap talagang mag-fight scene nang naka-stiletto at yung takbuhan namin na naka-stiletto shoes. Kapag nasa hotel room ako, ang ginagawa ko, nagpa-practice akong maglakad mag-isa para lang makapaglakad ako nang maganda.

“Una, inaalibadbaran ako dahil ang suot ko bra, tapos leggings. Tapos naisip ko na, ‘Irespeto pa kaya ako ng fans ko kapag nakita nila ako?’

“Pero sa kalagitnaan ng shooting ng movie, na-enjoy naman namin nina Mark (Fernandez) at Baron (Geisler). Okay naman ang kinalabasan. Maganda naman. Sabi ko nga, hindi ako nagkamali sa pagpili ng movie na 'to at very supportive ang lahat ng katrabaho namin, ang mga artista, especially yung direktor namin, napakahaba ng pasensiya.”

Hindi maikakailang guwapo at malakas talaga ang dating ni Jeric Raval nung nagsimula siya sa showbiz noong 1991. Hindi ba siya na-culture shock na punmpuno ng mga bading ang showbiz industry na pinasok niya?

“Ah, nung una siyempre. Unang pagpasok ko sa showbiz, kasi ang daming bading, ‘sangrekwa. Paano kaya ito?” natatawang pagtatapat niya.

“Saka nung araw, noong medyo bata-bata pa ako, medyo supladito tayo nang konti. Pero as time went by, nasanay naman ako. Nagkaroon din ako ng maraming kaibigan na bakla. Ayos naman sila.

“In fact, yung isang lawyer ko, bading. Sa bahay, may mga kasama rin ako na bading. Nagkaroon din ako ng alalay na bading. Tapos sa bading na pagbibidahan ko ay bading din ang direktor ko, so sanay naman na ako,” sabi ulit ni Jeric.

READ: Andrew E on kissing scene with AJ Raval: ‘Hindi ko naman alam na anak siya ni Jeric’

Eh, ano naman ang reaksyon niya kapag maraming bading ang humahanga at nagnanasa sa kanya?

Tugon niya,  “Actually, napansin ko sa sarili ko, konti lang ang mga bading na nagkakagusto sa akin. Siguro do’n sa sampung bading isa lang ang magkakagusto sa akin. Yon lang ang napansin ko. Pero siyempre, natutuwa naman ako.”

Ibinahagi rin sa PUSH ni Jeric ang sikreto ng kanyang pagiging “baby face” hanggang ngayon.

“Ang sikreto ko lang diyan ay laging mahaba ang tulog. Kapag mahaba ang tulog mo bumabagal ang pag-edad mo. Nagpapasalamat ako na marami namang pumupuri sa akin kahit ganito na ang age ko ngayon,” lahad niya na umiwas nang banggitan kung ano ang tunay niyang edad.

Samantala, kasama ni Jeric sa Barumbadings kung saan gumaganap din ng iba’t ibang gay characters sina Joel Torre, Baron Geisler at Mark Anthony Fernandez.