Ang Kapamilya actor na si Gerald Anderson ang pinakabagong biktima ng basag-kotse gang.
Ayon sa ulat ni John Consulta para sa Unang Balita ng GMA News, nangyari ang insidente pasado alas singko ng hapon nitong Linggo, ika-13 ng Pebrero.
Nakuhanan ng CCTV ang pagdating ng dalawang motorsiklo sa Don A. Roces Avenue sa Quezon City kung saan matatagpuan ang gym na pagmamay-ari ni Gerald na The Th3rd Floor.
Tiningnan muna ng isang lalaki na angkas ng isa sa mga motorsiklo ang laman ng SUV ni Gerald bago nito pwersahang binasag ang bintana sa may bandang likuran.
Gerald Anderson shares the story behind his new business, The Th3rd Floor
Agad naman nitong kinuha ang bag at nang paalis na, nagdesisyon silang kunin ang bag sa may harapang bahagi ng sasakyan matapos mapansin na walang lumabas sa building.
Sa panayam ng Unang Balita, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na natunton nila ang bahay ng isa sa mga miyembro ng Tondo-based group na nambiktima kay Gerald.
Dito, narekober ang mamahaling bag at dalawang mamahaling relo ng aktor ngunit ang mga IDs, pasaporte, at wallet nito ay hindi pa rin nakukuha.
Sumuko naman ang suspek na si John Allen Dancel na siya mismong bumasag sa bintana ng sasakyan. Nagawa niya ito upang makahanap ng madidiskartehan ng pera ngunit hindi nila inasahan na kay Gerald ito.
Gerald Anderson opens his second gym in Quezon City
Umabot naman umano ng 20,000 piso ang halaga ng perang natangay nila mula kay Gerald.
Samantala, inamin naman ng kasabwat na naglipat siya ng pera na nagkakahalaga ng 50,000 piso base sa ulat ni Nico Baua ng ABS-CBN News.
Binuksan umano nila ang laptop ng aktor at saka nilipat ang pera mula crypto wallet nito gamit ang e-mail ng aktor.
“Gusto ko pong gamitin ang pagkakataon na ito para magpasalamat sa NBI lalo na Special Action Unit. Sobrang salamat po sa inyo sa perseverance at sa patience para mahanap po natin ang gumawa ng krimen na ito sa aking sasakyan na basag-kotse gang,” mensahe ni Gerald.