Ara Mina, ibinahagi ang ilan sa mga nagbago sa buhay niya matapos ikasal

Gusto din ni Ara Mina magka-baby ngayong taon.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

07/23/2021 05:03 PM
Ara Mina, ibinahagi ang ilan sa mga nagbago sa buhay niya matapos ikasal
Photo Credit: @therealaramina Instagram

Magiging lehitimong residente na ng San Pedro, Laguna ang aktres na si Ara Mina dahil ang napangasawa at pinakasalan niyang si Dave Almarinez ay doon nakatira. Ikinasal sina Ara at Dave sa Baguio City noong June 30 na dinaluhan ng kanilang mga kapamilya at ilang malalapit na kaibigan sa showbiz.

 

 

“Umuuwi naman na ako do’n, so aayusin na namin yung bahay sa Laguna kasi yung ibang gamit ko hindi pa kumpleto do’n. Hindi rin kasi ganun kadaling maglipat so uunti-untiing ayusin pa,” simulang kuwento sa PUSH ni Ara.

READ: Ara Mina at Dave Almarinez, parehong naging emosyonal sa kanilang kasal

Bahagi rin daw ng kanilang unang plano ay ang magkaroon na agad ng anak.

“Magha-honeymoon muna kami. Medyo mahaba ang break ko sa Ang Probinsyano. We’ll try to have a baby this year,” excited niyang pahayag.

“Basta kung ano… si Lord na ang bahala diyan, kita mo in God’s perfect time ibibigay naman Niya yon. Kasi sabi ko nga wala akong hiniling na hindi ibinibigay ni Lord, maghihintay ka lang.

“So hinihiling ko kasi magkaroon kami ng isang anak. Ako gusto ko kong magka-baby boy, gusto rin naman niyang magka-baby boy din,” sabi pa ni Ara.

LOOK: More photos of Ara Mina’s grand wedding in Baguio

 

 

After the honeymoon ay balik-trabaho na ulit ang newly-weds – si Ara sa taping ng FPJ’s Ang Probinsyano at sa kanyang mga businesses at si Dave naman bilang presidente at CEO ng Philippine International Trading Corporation (PITC).

Paano na ang kanilang oras sa isa’t isa kapag bumalik na sa dati ang lahat?

“Nagagawan naman namin ng paraan (ang oras). Ano lang naman yon, time management,” tugon ni Ara.

“Alam mo, pag may mga priority decision naman at alam mong i-manage yon wala namang magiging problema,” rason naman ni Dave.

Dagdag pa ni Ara, “Tsaka pag love mo yung ginagawa mo at love mo ang tao, siyempre may asawa ka na, magagawan mo ng paraan lahat ng bagay kung paano i-manage.”

“Susuportahan ko siya kung ano yung ambisyon niya. Di ba, sabi ko nga sa vows ko, ‘Hayaan mo akong tumupad naman sa mga pangarap mo.’ Kasi di ba, tinupad niya yung pangarap ko na makapag-settle down, na makapag-asawa at makasal.

“So ngayon, yung pangarap niya, kung anuman yon, susuportahan ko siya bilang misis niya… Hindi ako makapaniwalang may asawa na ako ngayon, my God!” pabiro at natatawang reaksyon ng aktres.

Samantala, kahit kasal na raw sila ay hindi na mababago ang kanilang term of endearment. “Bebe” pa rin daw nila tatawagin ang isa’t isa.

“I think ano, eh, kung ano yung nakasanayan n’yo na at yon ang talagang nasa puso ninyo bakit pa babaguhin?” katwiran ni Dave.

“Kasi parang yung honey, serious masyado, eh. At saka pag naglalambing kami mas cute, ‘Bebe ko, bebe ko,’” kinikilig at huling pahayag naman ni Ara habang pinipisil-pisil ang pisngi ni Dave.