• Home
  • Fresh Scoops
  • Matapos ipakilala ang kanyang baby na si Kianna, naging bukas si Rita Gaviola, o mas kilala bilang si ‘Badjao Girl’, sa kanyang pagiging ina.

‘Badjao Girl’ Rita Gaviola, naging bukas sa pagiging ina

Matapos ipakilala ang kanyang baby na si Kianna, naging bukas si Rita Gaviola, o mas kilala bilang si ‘Badjao Girl’, sa kanyang pagiging ina.

‘Badjao Girl’ Rita Gaviola, naging bukas sa pagiging ina-Leah Bueno
BY
Leah Bueno

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

08/26/2022 10:53 AM
‘Badjao Girl’ Rita Gaviola, naging bukas sa pagiging ina
Photo credit: Karen Davila YouTube Channel and @itsritagaviola Instagram

Matapos ipakilala ang kanyang baby na si Kianna, naging bukas si Rita Gaviola, o mas kilala bilang si "Badjao Girl", sa kanyang pagiging ina.

Sa panayam ni Karen Davila, ibinahagi ni Rita kung paano nabago ang kanyang buhay sa pagdating ng kanyang anak.

"Blessing talaga si baby sa amin kasi simula nung dumating siya, ang daming nabago sa akin lalo na sa daddy niya," ani Rita. "Kumbaga dati, kasi medyo may pagka-isip bata pa ako. So parang nag-mature talaga ako nung dumating siya sa buhay ko. Siya na lang talaga iniisip ko, hindi sarili ko."

Bagamat maagang nagkaroon ng sariling pamilya, wala umanong pagsisisi si Rita, 19, at ang kanyang partner, 20, dahil itinuturing nilang isang biyaya ang kanilang baby.

"Hindi po talaga namin naisip na ipalaglag po si Kianna. Nasa isip ko rin po kasi blessing po 'yan. Blessing from God," ani ng partner ni Rita.

"Para sa akin kasi kahit sino mang mababae gustong magkaanak," dagdag ni Rita. "Kasi 'di ba maraming mga babae na nangangarap na gusto magkaanak pero hindi nabibigyan. So kami po na binigyan kami ni Lord, bakit namin ipapalampasin 'to?" 

Gayunpaman, aminado si Rita na lubos siyang naapektuhan sa pambabatikos ng bashers matapos ipakilala ang kanyang baby.

"Siguro 'yung napaiyak ako na nabasa ko, 'Maaga ka lumandi.' 'Bobo ka, kung inuna mo 'yung career mo kaysa sa kalandian mo.' 'Anong ipapakain mo sa bata, babalik ka ba sa pamamalimos mo?' Sa akin ang hirap na parang, bakit ganun? Hindi pa naman nila ako kilala totally, bakit nila ako hinusgahan?" aniya.

Samantala, naging bukas din ang dating Pinoy Big Brother housemate tungkol sa kanyang iniindang sakit ngayon sa dibdib.

"Actually nagpa-check-up na po ako dati. Meron po [akong bukol] na sabi nila normal lang sa babae. So binigyan nila ako ng gamot, uminom ako, hanggang sa nawala. Pero bumalik siya," aniya.

"Masakit siya lalo na kapag natatamaan siya. Kahit hawak lang, masakit po."

Hindi naman napigilan ni "Badjao Girl" na maging emosyonal nang magkwento kung paano niya tinitiis ang sakit para sa kanyang pamilya. 

"Ganito lang po talaga ako, kung nakikita niyo, masaya. Pero hindi po nila alam may pinagdadaanan ako. Kumbaga kailangan kong tiisin na hindi ako makakapagpa-check-up kasi imbis na ipa-check-up ko, ibigay ko na lang sa parents ko pambili nila ng pagkain. So ako, okay lang. Okay lang na ako 'yung mahirapan, 'wag lang sila," aniya.

"Ayun po 'yung hindi alam ng karamihan. Lalo na 'yung pamba-bash nila, mas lalong nakakaapekto sa akin 'yun. Kaya tiniis ko na lang nang tiniis."

Matatandaang nito lamang Agosto 8 nang unang ipinakilala ni Rita ang kanyang baby na si Kianna sa publiko.

Unang nakilala si Rita nang mag-viral ang kanyang retrato na nanlilimos kasama ang kanyang kapatid sa kasagsagan ng Pahiyas Festival noong 2016. 

Matapos nito ay pumasok siya sa pamosong Bahay Ni Kuya bilang isa sa mga teen housemates ng reality show na Pinoy Big Brother: Lucky 7. Binansagan siya bilang "Badjao Girl ng Lucena."