Brenda Mage, nagpapasalamat sa kanyang bashers | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Brenda Mage, nagpapasalamat sa kanyang bashers

Brenda Mage, nagpapasalamat sa kanyang bashers

Leah Bueno

Clipboard

Aminado si Brenda Mage na hindi naging madali para sa kanya ang harapin ang kontrobersiyang kinasangkutan niya noong nasa loob siya ng pamosong Bahay Ni Kuya.

Sa panayam sa PUSH Bets Live, muling binalikan ng komedyante at dating Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 celebrity housemate ang kanyang pinagdaanang hirap matapos na makatanggap ng matinding bashing mula sa netizens.

Pagbabalik-tanaw niya: "Hindi lang [ako] controversial kundi most bashed talaga na housemate. Paglabas ko [ng bahay], nagulat ako sa mga nangyari. Parang feeling ko, pinaka-negative talaga sa lahat. Talagang negative talaga lahat ng lumabas tungkol sa akin. So sobrang nasaktan talaga ako kasi sa loob, hindi naman kami ganun. Hindi namin alam. Malamang meron kaming issues [sa loob] pero hindi namin alam na ganun [na pala] kalaki ang epekto sa labas...So ang laki ng damage na 'yun. At wala akong ibang masisi kundi sarili ko. Kasi wala namang nalabas kung hindi dahil sa kagagawan ko.

"Nung paglabas ko [at nalaman ko na] na-bash ako nang bonggang bongga, hindi ko alam kung saan ako tatakbo, kung saan ako kakapit. Wala akong ibang malapitan kundi sarili ko lang kasi walang ibang makaintindi kundi ako lang tsaka 'yung housemates ko. Eh 'yung housemates ko busy din sila tsaka naba-bash din sila or nagkaroon sila ng controversy na iba. Hindi man ganun kalaki sa akin pero meron din silang issue isa-isa. Ayaw ko naman sila madamay. So ang hirap."

ADVERTISEMENT

Gayunpaman, natutunan umano ni Brenda na tanggapin ang mga salitang ibinabato sa kanya at patawarin ang kanyang sarili sa mga nagawa niyang pagkakamali.

"[Pero] tinanggap ko na lang lahat. In-absorb ko na lahat ng mga bagay kasi hindi ko siya pwedeng i-ignore eh, kasi nangyari na eh. Hinanap ko sa puso ko 'yung acceptance and siguro 'yung forgiveness din sa sarili ko at sa mga nangba-bash sa akin. Kasi 'pag iniwasan mo nang iniwasan, hindi maso-solve eh. So ang ginawa ko, tinanggap ko siya unti-unti. Nawala naman siya," aniya.

"Ang hirap lang kasi it takes time talaga para mawala. Umabot ako na na-trauma ako, na-depress ako, ayaw kong mag-social media, ayaw kong lumabas ng bahay kasi feeling ko nakatingin sa akin lahat ng tao. Hanggang sa hinayaan ko na lang siyang mamatay nang sarili niya."

Ayon sa komedyante, nagpapasalamat na lang siya na nalagpasan niya ang matinding kabanata na ito ng buhay niya.

"Oh my God. I'm so fine, I'm so okay. With the housemates, with 'yung mga involved na tao. Okay na okay kami and I'm so happy. Masayang masaya ang puso ko ngayon dahil natapos siya, na-resolve na siya," aniya.

Samantala, ibinahagi rin ni Brenda kung ano ang nag-udyok sa kanya na bumalik ng PBB house sa kabila ng kanyang takot na muling makatanggap ng bashing.

"Nung umuwi ako ng province talaga, isa sa mga reasons ko is magpapagawa ako ng bahay. And then dahil sa gusto ko na rin iwasan 'yung showbiz dahil sa mga nangyari, mas na-trigger talaga 'yung pag-uwi ko. [Pero] nung nandun ako, enjoy na enjoy na ako sa life ko doon, biglang may call about Wildcard. So hindi ko siya in-expect kasi hindi naman ako first choice. Top 5 lang ako, kung hindi nag-back out si Alyssa (Valdez), hindi ako magmu-move din," paliwanag niya.

"So nung una, pinag-isipan ko talaga siya, ayaw ko talaga. Hanggang sa napilit ako, may nagsabi sa akin na malay mo, give it another chance, baka ma-redeem mo 'yung sarili mo. Baka redemption 'to na maging okay din. So binigyan ko ng chance 'yung sarili ko."

Pag-alala ni Brenda: "Sobrang takot ko noon na baka pagpasok ko ma-bash ulit ako imbis na maging okay. Pero sabi ko, why not. Malay natin, kaya ko naman siguro bawiin 'yun kung magpapakatao na ako sa loob. So ayun, pumayag ako. Binigyan ko ng chance 'yung sarili ko na baka makabawi."

Sa huli ay nagbigay ng kanyang payo si Brenda sa mga katulad niya na biktima rin ng online bashing.

"Sa akin kasi, iba 'yung sa akin. Kasi kaya ako na-bash ay dahil sa kagagawan ko rin. May iba kasing naba-bash na wala namang dahilan, may iba naba-bash lang dahil gusto lang hanapan ng butas ng mga bashers.

“Pero in general lang, sa mga naba-bash, kung kaya niyong i-ignore or iwasan 'yung mga negative comments, iwasan niyo. Pero kung makita niyo man, take it as constructive criticism na lang and assess yourself. Kumbaga kung hindi naman totoo 'yung mga sinasabi nila, eh 'di hayaan mo.

“Kasi kahit anong gawin mo you cannot please everybody. Pero kung totoo 'yung sinasabi nila sa 'yo, why not magkaroon ka ng learnings sa mga negative? Ayun naman ang maganda eh. Kahit sa mga masasakit na salita na sinasabi nila, sa bashing, hanapan mo siya ng paraan para mas positive ang dating sa 'yo. Gawin mo siyang lesson para sa 'yo para hindi na maulit at hindi ka na ma-bash," aniya.

"At the end of the day, there's still bashers and kahit anong gawin mo, kahit lumuhod ka pa, kahit anong gawin mong pagpapakabuti, [kung bashers sila, bashers talaga sila]. And be thankful lang. Sabihin mo sa kanila, kung 'yan ang nakakapagpasaya sa inyo, at least [napasaya ko kayo]."

Nagbigay din siya ng kanyang mensahe para sa kanyang mga bashers at mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya.

"[Sa mga bashers ko], thank you so much kasi alam ko naman na meron kayong dahilan kung bakit niyo ako bina-bash. And hindi ko kayo mapipigilan doon. Don't worry kasi kahit bina-bash niyo ako, iniisip ko pa rin na kahit papaano may matututunan ako sa mga ginagawa niyo sa akin. At alam ko rin na may nagawa rin akong mali. Kasalanan ko rin kung bakit niyo ako bina-bash. And thank you din kasi mas lalo akong nagiging strong because of you. Mas lalo kong pinapatunayan sa sarili ko, hindi para sa inyo, na kaya kong tumayo sa sarili kong pagkakamali at pagkakadapa," aniya.

"Sa mga sumusuporta sa akin, alam kong konti lang kayo, pero wala na akong pakialam kung gaano tayo karami o kakonti. Ang importante po, kayo ay totoong sumusuporta sa akin, nakakakilala sa akin, tanggap ako kung sino ako 'yung mga kamalian ko at pagkukulang ko. Masaya na po ako doon. Wala na po akong pakielam sa kung ano man ang sasabihin ng iba. Ang importante merong nagtitiwala sa akin. Maraming maraming salamat sa inyo kasi dahil sa inyo kaya patuloy po akong gumagawa ng mga bagay na ikakasaya ninyo."

"Sana magkaroon din ako ng chance na mapatawad din ako ng lahat para hindi na ako ma-bash pero hindi man, okay lang po 'yun kasi ganun talaga ang buhay. Hindi naman pwedeng araw-araw Pasko at lahat tanggap ka."

Panoorin ang kanyang panayam dito:

Ang PUSH Bets Live ay isang weekly online show na mapanood sa PUSH at ABS-CBN Facebook pages pati na sa push.com.ph.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.