FRESH SCOOPS

Angel Locsin, binanatan ang mga artistang nanahimik sa usapin ng ABS-CBN franchise

Hindi mapigilan ni Angel Locsin na paringgan ang mga kapwa artista na patuloy na nananhimik sa usapin ng ABS-CBN franchise.

By PUSH TEAM 7/18/2020 9:10:51 PM

Isang nagliliyab na Angel Locsin ang humarap sa mga empleyado at iba pang nakilahok sa rally na ginanap sa harap ng ABS-CBN ngayong gabi, Hulyo 18.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

Lost in thoughts 💔💚💙

A post shared by Angel Locsin (@therealangellocsin) on

 

Unang binanatan ng Kapamilya star ang ilang Kongresista na hinikayat ang mga ehekutibo ng ABS-CBN na ibenta ang network upang maisalba ang kumpanya at mga empleyado nito.

Saad niya: “Galit na galit ako sa mga lumalabas na balita. Ibebenta daw ang ABS-CBN. Umpisa pa lang ‘yun na ang gusto niyo? Kunin ang ABS-CBN at i-control ang media?”

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

Awit na nananawagan Baka sakaling napakikinggan... ❤️💚💙 📸 CTO

A post shared by Angel Locsin (@therealangellocsin) on

 

Binigyang diin din ni Angel na hindi ang mga Lopezes ang pinatumba ng mga mambabatas kundi ang mga simpleng manggagawa ng kumpanya.

“Akala niyo ba Lopez ang nakalaban niyo? Hindi. Hindi sila mamamatay sa gutom. Ang mga simpleng mamamayan ang magugutom. Pinatay nila ang mga taong dapat protektahan nila. ‘Yung mga taong bumoto para sa kanila,” ani Angel.

Dagdag pa niya: “Yung mga taong dapat protektahan nila ang trabaho dahil ‘yun ang mahalaga at pinapangako bawat eleksiyon. Pinatay nila ang mga simpleng tao. Hindi mga Lopez. Simpleng tao kami.”

Nilampaso din ni Angel ang mga kapwa artista na piniling manahimik sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN at hinimok ang mga ito na magsalita dahil hindi na umano ito ang panahong upang ipapatuloy ang pananahimik.

Ani Angel, wala na rin naman silang karera o imaheng dapat protektahan dahil sarado na ang network na nagbigay daan upang mas makilala sila ng sambayanang Pilipino.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

Please say yes ❤️💚💙 Edit: Vote No to franchise denial ❤️💚💙 (ako lang ba ang naguhan sa voting?😅)

A post shared by Angel Locsin (@therealangellocsin) on

 

“Sa mga artistang di nagsasalita. May career pa ba kayo? Wala na. Wala na kayong network. Kahit magpacute kayo diyan sa Instagram mag send kayo ng sad face, ‘di niyo nadamayan ang mga katrabaho niyo na dahilan kung bakit kayo sumikat?

Pagpapatuloy pa ng “Iba ‘Yan” host: “Huwag kayong matakot. Wala na kayong poprotektahang career o image. Dumating na ang panahon na kailangan nating magsalita.”

Dagdag pa niya: “Naiitindihan ko tayong mga artista expected sa atin dapat tahimik lang tayo, dapat sweet lang ang image, dapat neutral para walang kalaban. Pero ‘pag hindi tayo nagsalita, ibig sabihin nu’n, kinampihan natin ang mali.”

Binigyang diin din ni Angel ang dahilan kung bakit pinipili niyang magsalita sa kabila nang kaliwa’t-kanang batikos laban sa kanya.

“Hindi ako papayag na dun ako sa maling part ng history kakampi. Alam ko taas noo tama ang pinaglalaban ko.”

Pinabulaanan naman ni Angel ang mga usap-usapan na may pera siya sa ABS-CBN. Sinabi din nito na wala siyang kontrata sa kumpanya at ang tanging dahilan kung bakit siya nakikibaka ay para sa mga empleyado ng kumpanya.

“Hindi ako mayaman. Wala akong pera sa ABS-CBN. Wala akong kontrata. Ang mga taong ‘to, sila ang nagbigay ng trabaho sa akin. Sila ‘yung tumulong sa akin noong wala-wala ang pamilya ko. May utang na loob ako sa kanila. Pero ginagawa ko ‘to dahil ito ang tama para sa mga tao,” saad niya.

Sa huli, sinabi ni Angel na bantayan ang mga Kongresista na bumoto para hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.

“Ang sa akin lang, hahayaan ba natin na ang laban ng mga mayayaman ang mga mahihirap ang magdusa? Huwag kayong matakot magsalita, mag-observe, bantayan ang 70 na Congressmen na ‘yan. Bantayan kung ilan ang ari-arian nila,” sabi ni Angel.

Itinigil ang pagbu-broadcast ng ABS-CBN noong Mayo 5 matapos magpadala ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC).

Ibinasura naman ng Kamara ang aplikasyon ng kumpanya para sa bagong prangkisa noong Hulyo 10.

s