Ogie Diaz nagbabala sa mga gustong mag-invest sa casino junket business

Ogie Diaz, na-scam umano sa casino junket business.

Ogie Diaz nagbabala sa mga gustong mag-invest sa casino junket business-Leo Bukas
BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

09/01/2022 12:09 PM
Ogie Diaz nagbabala sa mga gustong mag-invest sa casino junket business
Screenshot from Ogie Diaz YouTube Channel

Ibinahagi ng talent manager at content creator na si Ogie Diaz ang personal na karanasan niya nang minsan mag-invest siya at gamitin ang bahagi ng kanyang perang naipon sa casino junket. Hindi raw naging maganda ang kanyang naging karanasan sa pinasok na business at pakiramdam niya ay na-scam siya.

Binigyan din niya ng paalala at babala ang sinumang nagnanais na pasukin ang ganitong klase ng investment.

“Ilang friends na ang kumukunsulta sa akin kung tutuloy ba silang mag-invest sa casino junket.


“Ikinwento ko lang naman ang sarili kong karanasan. One year ang kontrata, ia-advance sa ‘yo ang interest for one year na through post-dated cheques na eight to 10% ang tubo a month. Sa Okada pa nga kami noon ang meet up. Libre ang food. On the house.

“Sa umpisa, pasasahurin ka, mga dalawa o tatlong buwan, good ang cheke, tapos, aalukin ka, ‘Dagdagan mo para mas malaki kitain mo,’ so ganun nga ang ginawa ko,” kuwento ng sikat na YouTuber.

BASAHIN: Ogie Diaz, bakit ayaw patawarin ang misis ng basketbolistang milyon ang utang sa kanya?

Patuloy niya, “Pero eto na. Yung sa mga susunod na cheke, made-delay na at eventually, talbugan na lahat ang cheke mo. Tapos, di mo na mahagilap yung kausap mo.

“Nag-class suit na nga yata yung ibang investors kasi talagang buong kabuhayan nila ang itinaya nila doon eh. Ewan ko kung anong nangyari na doon sa kaso. Lampas pang sampung milyon yung itinaya ng iba. Yung iba’y namorsyento lang. Kukuha ng pera sa iba at yun ang ii-invest.

“Hanggang sa nagtago na sila, dahil hindi nga maibalik ang pera ng mga kinuhaan. Ang dami naming nauto. Papakitaan pa kami ng mga pruweba na legit sila, maniniwala ka naman, pero sa huli, waley din pala. Me mga banta pa sa buhay ng mga namomorsyento lang, kaya nagtatago ang mga ito ngayon, dahil inutangan sila with interest, pero wala nang maibalik sa kanila.”

Ibinahagi din ni Ogie ang modus ng ibang agents sa ganitong casino junket.

“May iba naman, ‘Pasok ka sa akin, guaranteed. Pag natalo, isosoli ko pera mo.’ Pero nung natalo, ‘O, ano na? Sabi mo isosoli mo?’ Ang isasagot ng kausap mong nangako sa yo, ‘Ako nga din, ang laki rin ng talo, eh. Ang laki rin ng ipinasok ko eh.’ So ang ending: nganga ka.

“Kaya pag me humihingi ng payo sa akin, lalo na kung kaibigan ko, ‘‘Wag, please. Maawa ka sa pamilya mo. Wag mong ii-invest diyan ang hard earned money mo!’

“May bilin pa ako na, ‘Winarningan na kita, ha? Pag itinuloy mo pa yan at lumapit ka uli sa akin na umiiyak ka dahil natalo ang pera mo sa casino junket, di ako maaawa sa ‘yo. Mumurahin pa kita!’” paalala pa niya.

BASAHIN: Ogie Diaz may payo kay Dennis Padilla: ‘Ikaw na lang mag-adjust sa mga anak mo kung mahal mo talaga sila’

“Again, karanasan ko lang po ito. At ng iba pang kakilala kong nasunog ang pera sa casino junket. Pero kung feeling ng ibang naririto sa business na ito eh hindi totoo ang sinasabi ko at kumikita naman sila for years now, eh di bongga. Congrats!

“Maraming naglipanang casino junket ngayon, pero nasa inyo na po kung gusto nyo pong pasukin. Ikinukuwento ko lang po ang encounter ko,” huling pahayag ni Ogie.