• Home
  • Fresh Scoops
  • Binigyang pugay ng news anchor na si Anthony Taberna ang kanyang bunsong anak na si Helga kasunod ng paggaling ng panganay nitong si Zoey sa cancer.

Anthony Taberna, nagbigay pugay sa anak na si Helga

Binigyang pugay ng news anchor na si Anthony Taberna ang kanyang bunsong anak na si Helga kasunod ng paggaling ng panganay nitong si Zoey sa cancer.

Anthony Taberna, nagbigay pugay sa anak na si Helga-Leah Bueno
BY
Leah Bueno

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

07/08/2022 12:07 PM
Anthony Taberna, nagbigay pugay sa anak na si Helga
Photo credit: @iamtunying28 Instagram

Kasunod ng paggaling ng kanyang panganay na si Zoey sa cancer, binigyang pugay ni Anthony Taberna ang kanyang bunsong anak na si Helga sa napakalaking papel na ginampanan nito sa pagpapagamot ng kanyang kapatid. 

Sa Instagram nitong Huwebes, Hulyo 7, ibinunyag ng news anchor na si Helga ang nagsilbing bone marrow donor ng kanyang ate nang sumailalim ito sa transplant sa Singapore.

"Si Helga ang siyang bone marrow donor ng kanyang Achi Zoey nang sumailalim ito sa transplant," ani Anthony.

"Una'y dumaan muna ako, si Misis at si Helga sa isang pagsusuri at lumitaw na si Bunso ang perfect match para maging stem cell donor ng kanyang kapatid. Kahit minsan, hindi nagtanong si Helga kung bakit siya. Ang tanong lang niya, kailan gagawin. 'Yung proseso ng preparasyon hanggang sa araw na hinarvest sa kaniya ang stem cell ay hindi madali para sa isang batang tulad ni Helga subalit hindi siya dumaing, hindi siya nagreklamo."

Ayon kay Anthony, itinuturing nilang bayani si Helga dahil sa hindi matatawarang sakripisyo at pagmamahal nito para sa kanyang kapatid.

"Bayani si Helga sa tingin namin lalo na ni Zoey dahil nagsakripisyo ito nang walang tanong-tanong para makatulong na gumaling ang kaniyang kapatid. Siya rin ang unang nagpapasaya sa Ate niya pag malungkot ito at nagpapalakas ng loob nito pag gusto nang sumuko dahil sa kirot na dulot ng karamdaman," ani Anthony.

Patuloy pa niya: "Helga, we're so proud of you. Pinatunayan mo ang tunay na kahulugan ng pag-ibig sa kapatid. We love you! Ipinagmamalaki ka namin."

Nito lamang Lunes, Hulyo 4, nang masayang ibinalita ni Zoey, 13, na siya ay gumaling na sa sakit na cancer. 

"I am totally cancer-free!" aniya. "I couldn't have done all of this without the help, support, and love of everyone special to me and, most of all, God."

BASAHIN: Anak ni Anthony Taberna na si Zoey, cancer-free na

Sa kanyang sariling anunsyo ay nagpasalamat din si Anthony sa mga nagdasal at nagpakita ng kanilang suporta para sa kanyang anak.

"Gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng kasama namin sa pananalangin. Nakauwi na kami kasama si Zoey pagkalipas ng halos kalahating taon sa Singapore. Salamat higit sa lahat sa Panginoong Diyos," aniya.