• Home
  • Fresh Scoops
  • Ejay Falcon napaiyak sa oath taking bilang vice governor ng Oriental Mindoro.

EXCLUSIVE: Ejay Falcon, idinetalye kung bakit naging emosyonal sa oath taking bilang vice governor

Ejay Falcon napaiyak sa oath taking bilang vice governor ng Oriental Mindoro.

EXCLUSIVE: Ejay Falcon, idinetalye kung bakit naging emosyonal sa oath taking bilang vice governor-Leo Bukas
BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

07/01/2022 10:58 AM
EXCLUSIVE: Ejay Falcon, idinetalye kung bakit naging emosyonal sa oath taking bilang vice governor

Emosyonal at hindi napigilan ng ng Kapamilya aktor na si Ejay Falcon ang mapaiyak sa ginanap na oath taking ceremony bilang newly-elected vice governor ng probinsiya ng Oriental Mindoro nitong Lunes, June 27. Ginanap ang oath taking sa Capitol in the South na matatagpuan sa bayan ng Roxas na malapit sa capital city ng lalawigan,  Calapan. Kasama ni Ejay sa panunumpa ang girlfriend niyang si Jana Roxas.

Sa exclusive interview ng PUSH kay Ejay ay ibinahagi ng actor-politician kung bakit napaiyak siya sa kanyang speech.

“Tito Leo, sobrang emosyonal lang na tumayo sa entablado at opisyal na manumpa bilang Bise Gobernador. Halu-halo yung nararamdaman ko noon,” kuwento ni Ejay. “Siyempre, una diyan yung nag-uumapaw na saya dahil nagbunga na ang pinaghirapan ko noong kampanya.


“Ikalawa, overwhelmed ako sa suporta ng mga kababayan natin dito sa Oriental Mindoro. Ikatlo, very proud siyempre sa sarili na kinaya ko. Lastlly, may kaba pa rin dahil ito na yon, eh, nanunumpa ako sa kanilang lahat na sila ay paglilingkuran. Siyempre, walang urungan ito at dapat magampanan ko talaga nang maayos ang tungkulin ko,” dagdag na pahayag ni Ejay.

READ: Ejay Falcon inalala ang pagiging kargador sa probinsya bago naging big winner ng PBB

Aminado ang actor na hindi niya inaasahang mananalo sa May 2022 election dahil baguhan lang siya sa larangan ng pulitika at maraming nag-under estimate sa kanyang kakayahan.

“Alam mo, sa totoo lang Tito Leo, ang hirap maging kumpiyansa lalo na sa pulitika. Kahit sinabi ng mga kaalyado ko na malakas ang laban ko at suportado ako ng maraming barangay ay pinili ko talagang huwag maging kampante. Kasi, sino ba naman ako, isang baguhan sa ganitong mundo.

“Pero ang ginawa ko ay nag-focus lang ako sa kampanya at sa dapat kong gawin at yon ay mas kilalanin ang mga taong paglilingkuran ko. Ipinaubaya  ko na lang kay Lord talaga ang lahat,” salaysay niya.

Tatalikuran na ba niya ang pag-arte at magko-concentrate na lang siya sa pulitika?

Sagot ni Ejay, “Hindi ko naman tatalikuran ang showbiz. Mahirap talikuran ang pag-arte at malaking bahagi na yan ng buhay ko. Sa ngayon, siyempre focus muna tayo sa pagiging bise gobernador. Pinagtiwalaan ako ng aking mga kababayan kaya gusto ko na ibigay sa kanila ang oras at atensyon ko para magampanan ko nang maayos itong bagong papel ko.”

READ: JM de Guzman and Ejay Falcon get recognition from Air Force

May reaksyon naman si Ejay sa mga taong nagsasabi na dapat ay gumagawa na lang ng teleserye at peilkula ang isang artista dahil don naman sila magaling kesa humawak ng posisyon sa gobyerno at maging public servant.

“Tama naman,” sabi agad ni Ejay. “Ang artista ay mas magaling talaga sa teleserye at pelikula dahil siyempre nahasa na ito ng panahon. Pero ang mga artista, tulad ng lahat ng tao ay walang hanggan ang maaaring gawin basta gugustuhin niya at pagsisikapan ito.

“Kabilang dito ang pagiging public servant. Hanggang tayo ay nabubuhay ay maaari pa nating paunlarin  ang sarili natin at  gawin ang mga bagay na mas magbibigay ng kahulugan sa atin at sa ibang tao,” deklara ni Vice Gov. Ejay Falcon na proud kababayan namin sa Pola, Oriental Mindoro.