• Home
  • Fresh Scoops
  • Dumalo si Nora Aunor sa tribute na ibinigay sa kanya ng Cultural Center of the Philippines.

Nora Aunor: ‘Nagiging malakas po ang pakiramdam ko dahil sa mga dasal ninyo’

Dumalo si Nora Aunor sa tribute na ibinigay sa kanya ng Cultural Center of the Philippines.

Nora Aunor: ‘Nagiging malakas po ang pakiramdam ko dahil sa mga dasal ninyo’-Leo Bukas
BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

06/30/2022 04:10 PM
Nora Aunor: ‘Nagiging malakas po ang pakiramdam ko dahil sa mga dasal ninyo’

Nakadalo si Superstar Nora Aunor sa tribute na ibinigay sa kanya ng Cultural Center of the Philippines (CCP) bilang pagkilala sa pagkakahirang sa kanya bilang bagong National Artist for Film na ginanap nitong June 29.

Kasama ni Nora sa awarding ceremony ang kanyang mga anak minus Lotlot de Leon. Si Ian de Leon naman ang nagsilbing escort ng premyadong aktres.

Halatang hirap magsalita ang veteran actress sa kanyang acceptance speech. Pero hindi raw yon dahil sa pinagdanan niyang sakit kundi dahil kinakabahan lang siya.


“Simula po nung June 10 nang opisyal na inanunsiyo ang bagong hirang na national artist ang inyo pong lingkod ay labis na natutuwa at nagpapasalamat sa napakalaking pagkilalang ito na iginawad sa akin at sa aking sining na hindi magiging isang katotohanan kung hindi po sa inyong walang sawang pagmamahal at pagtitiwala po sa akin,” sabi ni Nora sa unang bahagi ng kanyang speech.

READ: Nora Aunor nahirapang huminga at laging naka-oxygen

Patuloy niya, “Gusto ko pong isipin na sa pagkilalang ito na iginagawad sa akin kasama ko rin po kayong pinaparangalan lalo na ang mga mahal kong Noranians, ang mga kapwa ko artista at mga batikan at mga baguhang direktor at mga producers na patuloy pa ring isinusulong ang paggawa ng makabuluhang pelikulang Pilipino.

“Asahan po ninyong sa abot ng aking makakaya ay patuloy pa nating isusulong ang mga pelikulang kapupulutan ng aral at inspirasyon. Mga pelikulang magsasalaysay ng ating mga kuwento bilang mga Filipino.”

Nagpasalamat din si Nora sa mga nagdasal para maging okey ang kanyang kalusugan na sinubok ng isang karamdam nitong mga huling araw.

“Nitong mga nakaraang araw sinubok po uli ako ng isang karamdaman kaya po hindi ako nakadalo sa Malacanang. Ngunit nagiging malakas po ang pakiramdam ko dahil sa mga dasal ninyo. Salamat po sa pag-aalala at pagpaparating ng inyong mga mensahe. Utang na loob ko po sa inyong lahat ang ang buhay at sining na minahal ninyo po sa isang Nora Aunor simula po nung nakipagsapalaran ako na umawit at sinuong ang buhay ng pelikula ilang dekada na ang nakakaraan.

READ: Lotlot de Leon nakipag-ayos kay Nora Aunor, binantayan ang inang may sakit

“Hindi po laging madali ang buhay na ito ngunit wala po akong maisusumbat kanino man dahil sa kabila ng lahat ng ihirap at kontrobersiya patuloy po ninyo akong minamahal at ang sining na aking munting handog sa inyong lahat.

“Pinapasalamatan ko po sa puntong ito ang mga guro, ang mga kapwa ko Bicolano, ang mga kritiko, ang mga mag-aaral at manonood ng mga pelikulang Filipino at ang mga Noranians na hindi po bumitaw sa akin,” sambit pa niya.

Kasunod niya ring pinasalamatan ang chairman ng National Commission for Culture and the Arts na si Nick Lizaso at si former president Rodrigo Duterte, ang kanyang mga magulang, mga anak, at matatalik na piling kaibigan.

Aniya, “Niyayakap ko po kayong lahat at lagi ko kayong iisipin at pasasalamatan habangbuhay. Kayo po ang himalang ipinagpapasalamat ko sa Diyos at kayo pong lahat ang dahilan kung bakit may awit sa aking puso, kayo po ang dahilan kung bakit may isang Nora Aunor.”