• Home
  • Fresh Scoops
  • Idinetalye ni Ana Jalandoni ang mga kaganapan sa naging pag-aaway nila ni Kit Thompson.

Ana Jalandoni, ibinahagi ang kanyang sinapit sa kamay ng kanyang boyfriend na si Kit Thompson

Idinetalye ni Ana Jalandoni ang mga kaganapan sa naging pag-aaway nila ni Kit Thompson.

Ana Jalandoni, ibinahagi ang kanyang sinapit sa kamay ng kanyang boyfriend na si Kit Thompson-Pao Apostol
BY
Pao Apostol

FRESH SCOOPS

04/04/2022 04:54 PM
Ana Jalandoni, ibinahagi ang kanyang sinapit sa kamay ng kanyang boyfriend na si Kit Thompson
Screenshot from The Boy Abunda Talk Channel

Sa unang pagkakataon, nagsalita si Ana Jalandoni tungkol sa nangyari sa pagitan nila ng kanyang kasintahan na si Kit Thompson.

Sa panayam ni Ana sa King of Talk na si Boy Abunda, inilahad nito ang mga naging pangyayari sa araw na nabugbog siya ni Kit.

Ani Ana, mainit na ang ulo ng kanyang boyfriend bago pa man sila dumating ng Tagaytay. Nagkaroon pa umano sila ng pagtatalo bago sila nakarating sa hotel noong ika-17 ng Marso.


Pagsasalaysay ni Ana sa dahilan ng kanilang unang pagtatalo, sinabi nito na nagalit umano si Kit nang gisingin niya ito upang lambingin. Ang rason ni Kit, gusto umano nitong magpahinga.

Dahil dito, nagdesisyon na lang si Ana na bumaba umano at magkape. Ngunit laking gulat niya nang sinundan siya ni Kit at sinabihang ipagtimpla din umano siya ng kape.

Narindi naman umano si Ana nang bigla siyang taasan ng boses ni Kit nang hanapin sa kanya ang ipinagawa nitong kape.

Pagbabahagi ni Ana, matagal na nilang plinano ang nasabing bakasyon dahil parehas umanong busy ang schedule nila ni Kit.

Kabilang sa pinag-awayan nila ang kanyang pagtanggap ng mga sexy roles.

“Sabi niya, ‘Akala ko ba in-unfollow mo na 'yung mga nanliligaw sa 'yo noon?’ ‘Sinabi ko bang iu-unfollow ko?’ ‘Sabi mo nung last na nag-usap tayo nagbabawas ka ng mga finafollow mo.’ ‘Nagbabawas ako pero wala akong sinabi sa 'yo, hindi ako nag-mention sa 'yo ng kahit anong pangalan. Nagbabawas lang ako kasi mga hindi ko na nakakausap or wala ng conversation kasi hindi na kami nagkikita.’ Tapos sabi niya, ‘Bakit nila-like mo pa rin 'yung picture niya?’” pagbabahagi ni Ana.

Matapos ang kanilang naging pag-uusap, muli na naman silang nagkaayos. Pumunta umano sa isang supermarket si Kit habang busy naman siya sa kanyang pakikipag-usap sa isang kasamahan sa trabaho.

Laking gulat naman ni Ana nang biglang sabihin sa kanya ni Kit na gusto siyang pakasalan nito.

“And then sinabi niya, ‘Gusto kitang pakasalan talaga, Ana. Seryoso ako sa 'yo. Mahal na mahal kita. Ikaw lang ang babaeng minahal ko ng ganito. Alam kong bago lang tayo pero iba 'yung nararamdaman ko sa 'yo. Ngayon ko lang naramdaman ito.’ Siyempre na-touch ako so sabi ko ako din, gusto ko [siya pakasalan]. ‘Mahal na mahal din kita Kit,’” ani Ana.

READ: Ama ni Ana Jalandoni, dismayado kay Kit Thompson

Patapos na umano sila sa kanilang iniinom na nang bigla siyang tanungin nito kung bakit niya iniwan ang kanyang ex.

“Kumakain siya and then bigla na lang nagtanong siya sa akin, ‘Di ba iniwan mo 'yung ex mo? Nakipaghiwalay ka sa kanya? ‘Di ba iniwan mo siya?’ Nasa bed lang ako nakasandal, parang patulog na rin ako. Nagulat ako so parang nagising ako na bakit ganun ang tanong? Sabi ko, ‘Love, ang tagal na niyan, 2018 pa iyan. Alam mo kung anong reason kung bakit ko iniwan iyan.’ Tapos sabi niya, ‘Ikaw kapag iniwan mo ako, papatayin kita. Akin ka lang, hindi ka pwede mapunta sa iba,’” ani Ana.

Naghanap naman umano si Ana ng lugar kung saan pwede niyang matawagan ang kanyang kaibigan para ipaalam na nag-iinuman sila ni Kit. Ngunit nakaidlip umano si Ana sa third floor kung saan siya nakahanap ng signal.

Pinahanap siya ni Kit at nang mahanap ng guard, agad itong ipinaalam sa aktor na bigla na lamang siyang pinagsasampal at pinagsusuntok.

“‘Bakit mo ako sinampal?’ ‘Bakit mo ako iniwan?’ Sabi ko, ‘Hindi kita iniwan. Tignan mo nga 'yung cellphone ko, tinatawagan ko si Victoria. Ipapaalam ko na nandito tayo, nakainom tayo.’ [Tinabig niya] 'yung telepono ko. ‘Sinungaling ka. Iniwan mo ako.’ Tuloy tuloy siya sa sampal sa mukha ko. Nakalaban ako sa kanya, palabas ako ng room, nahatak niya pa rin ako. [Inuntog untog] niya pa yung ulo ko sa floor tapos binuhat niya ako papunta sa kama.”

Tuloy-tuloy pa rin daw siyang sinuntok ni Kit hanggang sa sinabihan niya ito na patayin na lamang siya.

“Tapos hinawakan ko 'yung kamay niya, ‘Kit dalhin, mo na ako sa doctor please I am begging you.’ ‘Hindi, dito ka lang. Ako ang gagamot sa 'yo, hanggang sa gumaling ka dito ka lang.’ Hanggang sa nag pass out na ako. Nagising ako mga 5 am. Nakayap siya sa akin ng sobrang higpit. Tulog siya sa tabi ko,” dagdag pa ni Ana. 

READ: Ana Jalandoni’s camp: ‘We are preparing to press charges to the fullest extent of the law’

Agad naman umanong tumakbo si Ana papunta sa CR kung saan humagulgol siya matapos makita ang kanyang sinapit sa salamin at mapagtanto na hindi na umano niya kilala ang taong kinakasama niya.

Bumalik din si Ana sa kama at kumuha ng selfie na sinend niya sa kanyang kaibigan bago siya matulog.

Humingi muli ng tulong si Ana pagkagising niya at sinabing gusto niyang magpakita sa isang doctor ngunit sinabihan siya ni Kit na hindi na umano ito kailangan.

Noong mga sandaling iyong nagdadasal na lang si Ana na sana ay may dumating na doctor o pulis para tulungan siya.

“Pagkagising ko, gising siya. Sabi ko kailangan ko ng doctor, masakit 'yung ulo ko. Sabi niya, ‘Hindi dito lang tayo, gagamutin kita. Pain reliever.’ Tumawag pa siya sa reception para humingi ng Biogesic. Bumaba siya kumuha siya ng Biogesic. Ako naman nasa kuwarto nagpe-pray ako na sana may pulis na sa baba. Sana may doctor na sa baba,” ani Ana.

READ: Ana Jalandoni, tuloy ang kaso laban kay Kit Thompson: ‘Hindi ko deserve ang nangyari’

May kumatok naman umanong security guard na sinabihan siyang paparating na ang mga otoridad upang damputin si Kit.

Samantala, sinabi ni Ana na desidido pa rin siyang magsampa ng kaso kay Kit.