• Home
  • Fresh Scoops
  • Nagsalita na si Toni Fowler tungkol sa isyung kumakalat tungkol sa kanya.

Toni Fowler, pinabulaanang nagbayad siya upang makatanggap ng award

Nagsalita na si Toni Fowler tungkol sa isyung kumakalat tungkol sa kanya.

Toni Fowler, pinabulaanang nagbayad siya upang makatanggap ng award-Pao Apostol
BY
Pao Apostol

FRESH SCOOPS

03/16/2022 03:15 PM
Toni Fowler, pinabulaanang nagbayad siya upang makatanggap ng award
Photo credit to @tonifowlerpo Instagram

Sinagot ng online personality na si Toni Fowler ang mga paratang tungkol sa kanya kabilang na ang akusasyon na binayaran niya ang kanyang natanggap na Star of The Night Award kamakailan.

Ito ay matapos siyang makatanggap ng mga parangal mula sa 2022 Global Trends Business Leaders Awards na ginanap nitong ika-28 ng Pebrero.

Nitong mga nakaraang linggo, naging usap-usapan sa social media ang tungkol sa umano’y ginawa ni Toni para makuha ang award.


Sa isang Facebook post, sinabi ni Jinky Cubillan Anderson o mas kilala bilang Madam Kilay na kaya umano walang natanggap na award ang kanyang mga produkto at ang sarili niya bilang isang influencer ay dahil tinanggihan niya ito matapos malamang kinakailangan niyang magbayad para rito.

“Marami po nag alok sakin ng award na kesyo Top si slimming-K and Madam Kilay for best influncer. Hindi ko po tinanggap ang award dahil May BAYAD (sic),” ani Madam Kilay. 

“Ano un bbgyan ka ng award Pero mag babayad ka kung gusto mo umakyat ng stage and my photos mo SA screen. May mga package Kang pag pipilian KALOKA! Aakyat SA stage to get your trophy at mag salita P200K ??! pinaka mababa na P70K!!” dagdag pa niya. 

Maliban sa kanyang Facebook post, naglabas rin ng pahayag si Madam Kilay sa isang Facebook live video kung saan sinabi niyang nagpabudol lamang umano ang mga taong tumanggap ng awards.

"Sa totoo lang, it's a scam, scam yun! Kung sino man yung mga nagbayad na mga vlogger o mga business ganun, mga nagpauto kayo 'te. I'm telling the truth! Pinabudol niyo lang yung sarili niyo sa ganyang klaseng organization,” ani Madam Kilay. 

Ngunit sa inilabas pahayag ng Global Trends Business Leaders Awards, sinabi nito na pinili nila ang mga nominado at mga manalo sa pamamagitan ng kanilang mga kwalipikasyon para sa mga nasabing awards. 

"The awardees of the recently concluded 2022 Global Trends Business Leaders Awards are chosen and nominated for eligibility consideration,” ani ng nasabing award-giving body. 

"The committee reviews the submitted materials and selects those candidates who are deemed most deserving of recognition and whose achievements most closely fit the category for which they have been nominated,” dagdag pa nito. 

Samantala, naglabas naman ng pahayag si Toni Fowler sa pamamagitan ng isang TikTok video. Gayunpaman, walang pinangalanan si Toni. 

"Regarding dun sa nagsasabi about sa nagbayad sa award, alam niyo naman, nandun kami. Ang daming nagtatanong sa akin, ang daming nagta-tag,” ani Toni. 

Ani Toni, hindi umano siya nasasaktan dahil wala siyang binayaran sa kanyang natanggap na award. 

"Pero alam niyo kung ano ‘yung real talk kung bakit hindi talaga ako nasaktan? Bakit hindi apektado si Mommy Oni?” ani Toni. 

"Kasi ‘di ako nagbayad dun. Wala akong nilabas dun,” dagdag pa niya. 

Ani pa ni Toni, wala silang ibang binayaran kundi ang kinain nila na “per plate” na pagkain para sa kanya at iba pang miyembro ng Toro Family na nakakasama rin niya sa paggawa ng iba’t-ibang content online. 

"Pero ang totoong nangyari talaga nun, sinabi ko na gusto ko isama yung pamilya ko, then nagka-award yung pamilya ko, at ang binayaran ko lang is per plate, magkano lang para sa pamilya ko,” ani Toni. 

Depensa pa ni Toni: “Feel na feel ko talaga yung award ko kasi I really am the Star of the Night. Halata naman at hindi ko binayaran iyan kaya hindi ako apektado sa real talk na iyan,” aniya. 

 

@mommytonifowlerofficial Deserve🥇 #starorthenight #award ♬ original sound - Toni Fowler

 

"Dahil ang real talk diyan, hindi ako nagbayad sa award ko. I really am the Star of the Night,” dagdag pa ni Toni. 

Ilan sa mga nga natanggap niya na award ay ang Outstanding Social Media Influencer, Iconic Content Creator, at Star of the Night.

Maliban pa ito sa natanggap niyang Phenomenal Family of Social Media Stars in the Philippines award kasama ang Toro family.