Dala ng implyuwensya ng paninirahan niya sa isla ng Siargao, nagdesisyon si Nadine Lustre na yakapin ang pagiging pescatarian o ang pagkain lamang ng isda at iba pang pagkaing dagat kasabay ng gulay.
Sa panayam ni Nadine kay Dr. Aivee Teo, inamin niyang isang linggo na siyang nagpi-pescatarian diet.
“Now I’m focusing on health and fitness. I’m eating more healthy food. Hopefully I’m successful with becoming full-on pescatarian and vegetarian,” pag-amin ni Nadine.
Pag-amin ni Nadine, nahirapan siya noong una lalo pa’t mahilig siyang kumain ng steak. Gayunpaman, hindi umano siya nagki-crave ng karne nitong mga nakaraang linggo.
READ: Nadine Lustre, may apela tungkol sa planong pagpapatayo ng tulay sa Siargao
Hindi naman umano mahirap na sundin ang pescatarian diet lalo pa’t marami umanong pagpipilian sa isla ng Siargao.
“There’s just a lot of options like [gulay], lutong bahay and a friend who would always cook and she likes to make kangkong, itlog na pula with kamatis [at] sinigang na bangus,” ani Nadine.
Dito, ibinahagi ni Nadine na marami ang sariwang gulay at isda na mahahanap sa isla. Ngunit aminado naman si Nadine na mahirap na sundin ang pescatarian diet lalo na sa Maynila dahil sa dami nang pagpipilian dito.
Panoorin ang video sa ibaba:
Matatandaang pinili na ni Nadine na manirahan sa isla ng Siargao. Isa siya sa mga aktibo sa pagtulong na muling makabangon ang isla kasunod ng pananalasa ng bagyong Odette.
Isa rin si Nadine sa mga taong nagsasalita tungkol sa mga isyu na kinakaharap ng isla kabilang na ang pagpapatayo ng iba’t-ibang istraktura na maaaring makasira sa kalikasan.