Dolly de Leon shares how she got the role in ‘Triangle of Sadness’

Dolly de Leon is also hopeful about an Oscar nomination.

Dolly de Leon shares how she got the role in ‘Triangle of Sadness’-Leo Bukas
BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/22/2022 10:03 AM
Dolly de Leon shares how she got the role in ‘Triangle of Sadness’
Screenshot from Triangle of Sadness

Nasa Pilipinas ngayon ang veteran actress na si Dolly de Leon para dito mag-celebrate ng Christmas at New Year. Dumalo siya sa Philippine premiere ng Holywood film na Triangle of Sadness na naging opening film sa 2022 QCinema International Film Festival na ginanap nitong Nobyembre 17, 2022.

Si Dolly ang nag-iisang Filipino actor na kasama sa cast ng Triangle of Sadness na nanalo ng pestehiyosong Palme d'Or sa 75th Cannes Film Festival sa France noong nakaraang Mayo. Dahil sa galing sa pag-arte na ipinakita niya sa pelikula ay pinuri siya ng mga film critics all over the world.

Marami rin ang nagsasabing malaki daw ang chance ng aktres na makapasok sa listahan ng mga posibleng nominado sa Best Supporting Actress category ng Oscars 2023.


Kumusta na ba ang takbo ng kampanya sa Oscars para sa Triangle of Sadness?

“Naka-break muna ako, so yung director muna namin ang nangangampanya,” tugon ni Dolly.

“Dito muna ako sa Pilipinas, dito ako magpa-Pasko, magnu-New Year, magtatrabaho nang kaunti. Magwo-work muna. And then, kung papalarin, babalik ako. Kung palarin... sana," pahayag ng aktres.

Ayon pa kay Dolly, masarap sa pakiramdam na nabibigyan ng pagkakataon ang local artists na kagaya niya para maging bahagi ng mga malalaking Holywood movies tulad ng Triangle of Sadness. Nakakaramdam ba siya ng pressure dito?

"Hindi naman pressure,” ani Dolly. “Para sa akin, I mean... Actually, I feel privileged na part ako ng film industry sa Pilipinas, na mga actors, gaya ni Chai Fonacier, Soliman Cruz, yung mga ganoon.

“So, proud ako, actually. Wala naman akong nararamdaman na pressure. Yung pressure na yun, mas ano... Ang laki na ng expection sa akin! So, ineenjoy ko na lang kung anuman ang trabahong dumating sa akin,” deklara niya.

BASAHIN: ‘Patay Na Si Hesus’ star Chai Fonacier in trailer for Hollywood thriller alongside Eva Green

Kung sakaling susuwertehin ay si Dolly ang magiging kauna-unang Filipino actress na mapapasama sa Best Supporting Actress nominees ng Oscars kaya abot-langit daw ang kanyang panalangin.

"First Filipino nga if ever, pero yung totoo, hindi pa natin alam kung magkakatotoo nga o mangyayari nga. Pero sana, sana, sana talaga.

“Sana talaga ay ma-nominate tayo. Kasi, kung ma-nominate tayo, napakalaking karangalan yon na makakapasok tayong mga Pinoy doon, for the first time! Sana, sana," dasal pa niya.

“Ang pinaka-challenge lang talaga ay mas maano sila sa recall, yung matunog ang pangalan... Eh, hindi naman matunog ang pangalan natin, so yon yung challenge,” may pag-aalinlangang sabi niya.

Eh, paano nga ba napunta sa kanya ang role ni Abigail sa Triangle Of Sadness?

Pagbabahagi ni Dolly, “Nag-audition talaga ako. Lumipad sila papuntang Pilipinas, 'tapos, pina-arte nila sa akin yung tatlong eksena, na nagbibigay ako ng pagkain, yung hindi nila binantayan yung fire, at yung isa pang eksena ni Abigail.

“In-audition ko lahat yon, may sides, binigay lang nila ang sides o mga eksena lang, hindi ko nabasa ang script.”

BASAHIN: Director Theodore Boborol talks about working with Ruby Ruiz and Soliman Cruz on ‘Iska’

Meanwhile, mahigit tatlong dekada na sa industriya ng pag-aarte si Dolly. Kung anuman daw ang mga natutunan niya sa kanyang previous works ay ginagamit niya sa trabaho..

“Parang naging training ground ko ang lahat ng iyon para matuto... Para magawa ko itong ginagawa ko now,” sey pa niya.

Magiging bahagi si Dolly ng bagong teleserye ng Kapamilya network na Dirty Linen na pagbibidahan nina Zanjoe Marudo, Janine Gutierrez, Francine Diaz, at Seth Fedein.

Kasama din siya sa 2023 Cinemalaya  full length film na Pukaw with Carlo Aquino.

Palabas na ang Triangle of Sadness sa mga sinehan sa November 30. The movie is directed by award-winning Swedish director na si Ruben Ostlund, and released and distributed by TBA Studios.