• Home
  • Fresh Scoops
  • Ito ay matapos na magpositibo at gumaling sa virus ni Pia Wurtzbach habang nagbabakasyon sa United Kingdom kasama ang kanyang pamilya.

Pia Wurtzbach, iginiit ang importansya ng bakuna kontra COVID-19

Ito ay matapos na magpositibo at gumaling sa virus ni Pia Wurtzbach habang nagbabakasyon sa United Kingdom kasama ang kanyang pamilya.

BY
Leah Bueno

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

01/14/2022 12:37 PM
Pia Wurtzbach, iginiit ang importansya ng bakuna kontra COVID-19
Photo credits to @piawurtzbach on Instagram

Iginiit ng dating Miss Universe na si Pia Wurtzbach na mahalaga na magpabakuna laban sa COVID-19.

Ito ay matapos niyang magpositibo at gumaling sa virus habang nagbabakasyon sa United Kingdom kasama ang kanyang pamilya.

"16 days now since I got COVID and although I'm already negative, I'm still managing some symptoms. Now I know some of you are thinking... 'Eh kahit pala vaccinated ka, magkakasakit ka pa rin eh.' Pero that is the wrong way to think about it," ani Pia sa kanyang Instagram Stories post.

"Paano na lang kung hindi ako nagpa-vaccine? Kung ngayon nga na vaccinated ako, walang comorbidity, healthy pero tinamaan ako nang ganito kalala, paano pa kaya kung pinili kong hindi magpa-vaccine? Siguro mas malala na 'yung kalagayan ko. Or worse."

Nito lamang linggo nang inanunsyo ni Pia na nahawaan siya ng COVID-19 kahit pa fully vaccinated at nakapagpa-booster shot na siya.

Ilan umano sa mga naranasan niyang sintomas ay lagnat, ubo, sipon, sakit ng lalamunan, at pananakit ng katawan. Bukod dito, nawalan din siya ng panlasa at pang-amoy. 

BASAHIN: Pia Wurtzbach recovers from COVID-19

Sa kanyang post, iginiit ng beauty queen na wala umanong pinipiling tao o edad ang COVID-19.

"Kaya napakaimportante talaga na magpabakuna. If you're reading this and you haven't yet, please don't delay...'Wag niyo nang i-risk na 'di naman malala 'yan', eh paano kung malala 'yung maging epekto sa 'yo? Iri-risk mo buhay mo?" aniya.

Patuloy niya, bagamat maaari ka pa ring mahawaan, makakatulong ang bakuna para malabanan at maprotektahan ang sarili laban sa COVID-19.

"At makakatulong ka pa sa mga frontliners na mabawasan 'yung mga nao-ospital. Madalas sa fatalities ay galing sa mga hindi nagpabakuna," dagdag pa niya.

Ilan lamang si Pia, 32, sa mga artista na nagpositibo sa COVID-19 nitong nakaraang linggo, sa gitna ng muling pagtaas ng bilang ng kaso sa bansa. 

BASAHIN: Iya Villania and Drew Arellano's son Leon also contracts COVID-19

Sa tala nitong Huwebes, Enero 13, umabot na sa 3,092,409 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. 237,387 dito ay mga aktibong kaso, habang 52,736 naman ang mga namatay.

Sa ngayon, mahigit sa 58 milyon na ang nabakunahan ng first dose dito sa bansa, habang 53 milyon naman ang naibakuna sa second dose.