Ejay Falcon, tatakbo nga ba sa pulitika ngayong 2022?

Nag-iikot-ikot na si Ejay Falcon sa Oriental Mindoro.

BY
Push Team

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

09/09/2021 06:46 PM
Ejay Falcon, tatakbo nga ba sa pulitika ngayong 2022?
Photo credit Ejay Falcon Facebook page

Tila nagpapahiwatig na ng kanyang pagtakbo sa pulitika ang aktor na si Ejay Falcon. 

Nitong Agosto, naging sunod-sunod ang pagbisita ni Ejay sa iba’t-ibang mga munisipyo sa kanyang probinsya sa Oriental Mindoro. 


Ito ay base sa mga litratong ibinahagi ni Ejay sa pamamagitan ng kanyang mga tagasuporta.

Kasama ni Ejay sa mga larawan ang kasalukuyang nakaupong gobernador ng probinsya na si Humerlito “Bonz” Dolor. 

Sa isang video, makikita si Ejay na humihingi ng suporta sa ilang mga residente ng binisitang lugar na sumalubong sa kanya. 

Ani Ejay, inaasahan niya ang suporta ng mga taong ito sakaling dumating na ang tamang panahon. 

“Iyong sigaw at excitement ninyo, sana po madala natin ‘yan pagdating ng tamang panahon, ang suporta ninyo. Kayo pong lahat dito, sana po suportahan niyo kami. Kaya po kami nandito ngayon, nagkakaisa, at nagpapakilala po sa inyo,” saad ni Ejay. 

THROWBACK: Ejay Falcon's Teleserye Journey

Ani pa ni Ejay habang ipinakilala ang kanyang sarili, gusto umano niyang maglingkod sa mga taong ito. 

“Ako po si Ejay Falcon. Kahit po hindi niyo ako tingnan bilang artista. Tingnan niyo ho ako bilang kababayan niyong Mindoreño na gustong maglingkod sa inyo,” ani Ejay. 

Unang nakilala si Ejay Falcon noong 2008 nang sumali ito sa Pinoy Big Brother Teen Edition season two. Si Ejay ang itinanghal na Big Winner noon. 

Naging bahagi din si Ejay ng iba’t-ibang programa ng Kapamilya network gaya ng Pasión de Amor, Wildflower, The Blood Sisters, at Sandugo.