• Home
  • Fresh Scoops
  • Pinasalamatan naman ni Tuesday Vargas ang ‘It’s Showtime’ para sa platapormang ibinigay sa kanya ng nasabing programa.

PANOORIN: Tuesday Vargas, kinabiliban ng netizens sa naging sagot sa 'Madlang Pi-Poll' ng 'It's Showtime'

Pinasalamatan naman ni Tuesday Vargas ang ‘It’s Showtime’ para sa platapormang ibinigay sa kanya ng nasabing programa.

BY
PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

09/08/2021 05:15 PM
PANOORIN: Tuesday Vargas, kinabiliban ng netizens sa naging sagot sa 'Madlang Pi-Poll' ng 'It's Showtime'

Maraming netizens ang bumilib sa komedyanteng si Tuesday Vargas dahil sa naging sagot nito sa segment na “Madlang Pi-Poll” ng It’s Showtime.

Sa nasabing episode na umere nitong Martes, Setyembre 7, tinanong ang mga komedyanteng sina Kitkat, Wilma Doesnt, at Tuesday Vargas kung sang-ayon sila na ilagay ulit ang National Capital Region (NCR) sa General Community Quarantine o GCQ. 


Parehas na sang-ayon sina Kitkat at Wilma Doesnt na muling ilagay sa GCQ ang NCR lalo pa’t marami umano ang hindi makapagtrabaho dahil sa mas mahigpit na panuntunang ipinatupad kapag isinasailalim ang NCR sa Enhanced Community Quarantine o ECQ. 

Maliban dito, may pinapatakbong negosyo din umano si Kitkat na mga restaurant habang rumaraket naman sa mga events si Wilma.

Ngunit para naman kay Tuesday Vargas, hindi siya sang-ayon sa pagbalik sa GCQ lalo na kung wala umanong konkretong plano ang gobyerno. 

“Siguro kung may konkretong plano, ‘yung hindi ura-uradang pabalik-balik na parang ECQ, MECQ, GCQ. Pa-ganun-ganun tayo. Gusto ko siguro ng mas maganda at mas maayos na sistema,” ani Tuesday. 

Tuesday Vargas celebrates 40th birthday with photo shoot

Dagdag pa nito: “Tapos mas maganda at mas maayos na pamamalakad ng lahat ng paglabas ng mga sistemang ito. Para i-deserve naman nila ang buwis na ibinabayad.” 

Marami namang netizens ang bumilib sa naging pahayag ni Tuesday. 

“Huy grabe. Nakaka amaze naman yung sinabi ni Tuesday. Knowing her na nasa line siya ng comedy pero tagos yung sinabi niya! Tuesday for president po tayo,” saad ng isang netizen.

Sambit naman ng isa pang netizen: “I totally agree with Tuesday's thoughts!!! Without concrete plan of the government, we will find ourselves hopscotching through ECQ, MECQ, GCQ.”

Dahil dito, pinasalamatan ni Tuesday ang It’s Showtime sa pagbibigay umano sa mga komedyanteng kagaya niya ng plataporma upang maihayag ang kanyang saloobin bilang isang Pilipino. 

“Nais ko pong magpasalamat sa lahat ng mga nanood ng  @itsShowtimeNa. Nais ko pong gamitin nang mahusay ang aming platform. Bago pa po ang artista na persona, ako po ay Pilipino na naninindigan kasama ng aking mga kababayan. Gagamitin ko po ang aking boses para po sa mabuti,” ani Tuesday. 

 

 

“Hindi po ito issue ng kanan o kaliwa, ng ka alyado ng pamahalaan o hindi. Tayo po ay nasa iisang pandemya, nasa iisang sitwasyon. Ang gusto nating lahat ay mas malinaw at konkretong plano para sa lahat. At kung kinakailangan sabihin, mauuna na po kaming nakikita nyo sa TV,” dagdag pa niya. 

 

 

Nilinaw naman ni Tuesday na hindi umano niya plinano ang maging pulitikal sa kanyang paglabas sa TV at sadyang sinagot lamang niya kung ano ang nararapat. 

“Napakasaya po ng guesting kanina at nakaka tuwa na na aliw namin kayo. Hindi ko po pinlano na maging pulitikal. Subalit tinawag ako ng tanong at marapat na sagutin lang nang tama. Karapatan ko bilang mamamayan na maliwanagan. Yun lamang. Salamat pong muli sa inyo,” saad ni Tuesday. 

 

 

Samantala, maging ang mga hosts ng It’s Showtime ay napapalakpak dahil sa naging sagot ni Tuesday.