Mahal magkakaroon ng public viewing, safety protocols mahigpit na ipatutupad

Pumanaw si Mahal sa edad na 46 noong August 31 sa Batangas.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

09/03/2021 05:26 PM
Mahal magkakaroon ng public viewing, safety protocols mahigpit na ipatutupad

Na-cremate na ang mga labi ng komedyanteng si Mahal o Noeme Tesorero sa totoong buhay nitong Huwebes ng gabi, September 2. Dinala ang kanyang urn sa Quezon City para sa gaganaping public viewing na magsisimula ngayong Biyernes, September 3 na tatagal lamang hanggang September 5.

Para sa mga kaibigan at tagahanga na gustong  magbigay ng huling respeto sa komedyante, nakalagak ang kanyang mga labi sa Cosmopolitan Chapel ng Shrine of the Santuario De San Vicente de Paul. Matatagpuan ito sa No.  221 Tandang Sora Avenue sa Quezon City.

READ: TV comedienne na si Mahal, pumanaw na


May pakiusap naman ang mga Kapamilya ni Mahal para sa mga gustong makiramay at magpunta sa last viewing ng komedyante. Mahigpit dawn a ipatutupad sa lugar ang safety protocols para na rin sa kaligtasan ng nakararaming gustong pumasok sa chapel.

Mahigpit din daw na ipinagbibilin na huwag kalilimutan ang social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield.

Bukod sa urn ni Mahal ay nakalagak din sa chapel ang urn ng kanilang ama na binawian naman ng buhay noong August 5. Pumanaw naman si Mahal, 46 years old,  noong August 31 sa isang ospital sa Batangas dahil kumplikasyon sa COVID-19.

“Salamat po sa pagsubaybay sa kapatid ko. Taos-puso at walang hanggang pasasalamat po sa inyong lahat dahil hanggang sa huli, hindi ninyo siya kinalimutan,” mensahe ng pasasalamat ni Irene at ng pamilya Tesorero sa lahat ng mga nagmamahal kay Mahal.

Si Irene ay nakababatang kapatid ni Mahal na naka-base sa Ohio, USA. Hindi ito personal na nakapag-paalam kay Mahal kay ibinuhos na lang nito ang sakit na nararamdaman nang makita ang urn ng panganay na kapatid.

Mula po sa bumubuo ng PUSH, ang amin pong taus-pusong pakikiramay sa mga naulila ni Mahal.