• Home
  • Fresh Scoops
  • Sa kanyang vlog, idinetalye ng indie actor na si Mygz Molino ang mga huling araw ni Mahal, o Noeme Tesorero sa tunay na buhay, bago ito tuluyang pumanaw.

Mygz Molino, idinetalye ang mga huling araw ni Mahal

Sa kanyang vlog, idinetalye ng indie actor na si Mygz Molino ang mga huling araw ni Mahal, o Noeme Tesorero sa tunay na buhay, bago ito tuluyang pumanaw.

BY
Leah Bueno

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

09/21/2021 01:24 PM
Mygz Molino, idinetalye ang mga huling araw ni Mahal
Screenshot from Mygz Molino YouTube Channel and Photo credit to @mahal.tesorero Instagram

Sa unang pagkakataon ay nagsalita na ang indie actor na si Mygz Molino tungkol sa pagpanaw ng kanyang malapit na kaibigan, ang comedienne at TV personality na si Mahal.

Sa kanyang pinakabagong vlog, idinetalye ni Mygz ang mga huling araw ni Mahal, o Noeme Tesorero sa tunay na buhay, bago ito tuluyang pumanaw noong Agosto 31 sa edad na 46.

Matatandaang una nang kinumpirma ng kapatid ni Mahal na si Irene Tesorero na "gastro illness" at COVID-19 ang dahilan ng pagkamatay ng komedyante. Ngunit ayon kay Mygz, na nag-alaga kay Mahal noong nagkasakit ito sa kanyang bahay sa Batangas, ang diagnosis ng doktor sa kanyang pagkamatay ay "severe acute respiratory distress syndrome, secondary to COVID-19."


BASAHIN: TV comedienne na si Mahal, pumanaw na

Kuwento ni Mygz, nagsimulang maging matamlay si Mahal matapos ang pagpanaw ng kanyang ama na si Romy Tesorero noong Agosto 5.

“Tahimik at minsan bigla na lang magsasalita tungkol sa papa niya. ... Palagi niyang gustong mag-isa. Gusto niya palagi nandito sa kuwarto. Masyado niya pong dinamdam 'yung pagkawala ng Papa niya," aniya.

"That time po kasi, andoon pa rin sa bahay nina Mahal 'yung abo ng papa niya. Hindi siya nakauwi kasi lockdown," sabi pa niya.

Ayon kay Mygz, Agosto 25 nang biglang magkaroon ng ubo si Mahal. Pinainom umano niya ng lagundi syrup ang kaibigan at naging maayos naman daw ang lagay nito. Ngunit pagsapit ng Agosto 27 ay bigla naman itong nilagnat. 

"Pinainom ko naman po siya ng Biogesic pagkakain niya, three times a day 'yun. Kinabukasan, okay naman na po siya. Magaling na raw po siya," aniya.

Matapos ang ilang araw ay muli umanong trinangkaso si Mahal. Dito na nagsimulang mag-alala si Mygz, ngunit giit umano ni Mahal ay ayos lamang ito at wala itong ibang nararamdamang sintomas.

"Tinanong ko po kung nawalan po siya ng pang-amoy tsaka panlasa, [pero] sabi niya po okay naman ang pakiramdam niya. May panlasa naman daw po siya, may pang-amoy naman daw po siya," aniya.

“Minsan nga po sinubukan na may ipakain sa kanya na hindi niya alam kung ano iyon. Nahulaan naman po niya. So, kampante po ako. Sabi ko nga po, hindi ito COVID,” sabi pa niya.

Kinabukasan, Agosto 30, bumisita sa bahay ni Mygz ang manager ni Mahal. Ayon sa aktor, nagpabili umano ang komedyante sa kanyang handler ng gamot para sa plema nito.

"Si Mahal po kasi hindi po talaga naglalabas ng plema. Kahit sabihin niyo po na ilabas, hindi po niya kaya, hindi siya makapaglabas ng plema sa sarili niya. Kaya ang ginawa po namin, 'yung gamot na pinainom sa kanya is pampalabas po ng plema," aniya.

Noong araw na rin na iyon, minessage daw ng manager ni Mahal ang "tita" nito upang ipaalam sa kanya ang kalagayan ng komedyana. Hindi binanggit ni Mygz kung sino ang "tita" na kanyang tinutukoy, pero si Mahal ay may stepmother na si Josefa Tesorero.

Pagsapit ng Martes, Agosto 31, naghanda na ng oxygen supply si Mygz kasama pa rin ang manager ni Mahal. 

"Para in case po na anuman ang mangyari, at least, may pang-reserve po kami na panlagay kay Mahal," paliwanag niya.

Kuwento ni Mygz, sa puntong iyon ay wala nang sinat si Mahal, pero nagkakaroon umano siya ng malamig na pawis. 

Ngunit matapos nilang kabitan ng oxygen ang komedyante ay napansin nila na naghahabol na ito ng hininga. Agad naman nilang sinugod si Mahal sa malapit na hospital.

“Mga ilang oras lang din po, nagsabi nga po yung doktor 50-50 na nga po si Mahal. That time po kasi, lutang na ako, hindi ko na po alam kung ano yung mangyayari. Ayoko naman pong mag-isip ng negative, eh. So, hindi ko po muna pinakinggan yung sinasabi ng doktor,” aniya.

Ayon kay Mygz, matapos lamang ang ilang oras ay idineklara nang patay si Mahal. 

"[Ang] bilis," umiiyak na sabi ng aktor.

BASAHIN: Mura ‘di matanggap na patay na si Mahal: ‘Fake news na naman ata yan, eh!’

Sa kanyang vlog, emosyonal din na nagbigay ng mensahe si Mygz para sa matalik na kaibigan.

“Alam ko na masaya ka na ngayon dahil kasama mo si Papa dahil sabi mo nga, hintayin ka ni Papa. Pero ngayong sumama ka na sa kanya, alam kong masaya ka na," aniya.

"Gusto ko lang magpasalamat sa 'yo, sa ibinigay mong kasiyahan sa mga panahong kasama kita. Ang dami mong mga alaala na iniwan sa amin, sa akin," sabi pa niya.

Setyembre 2 nang i-cremate ang mga labi ni Mahal sa Batangas. Agad na dinala ang kanyang abo sa kanyang pamilya sa Quezon City.

BASAHIN: Mahal magkakaroon ng public viewing, safety protocols mahigpit na ipatutupad

Ayon kay Mygz, hindi siya nakadalo sa lamay ni Mahal dahil kinailangan niyang mag-quarantine sa bahay ng 14 na araw, bilang pagsunod sa COVID-19 protocols.