Mura ‘di matanggap na patay na si Mahal: ‘Fake news na naman ata yan, eh!’

Nabisita pa ni Mahal si Mura bago siya pumanaw.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

09/02/2021 03:30 PM
Mura ‘di matanggap na patay na si Mahal: ‘Fake news na naman ata yan, eh!’

Hindi napigilan ng komedyanteng si Mura o Allan Padua sa totoong buhay ang mapaiyak at maging emosyonal nang malamang yumao na ang kaibigang si Mahal.

Pumanaw si Mahal, Noeme Tesorero in real life sa edad na 46 noong August 31, 2021 dahil sa komplikasyon sa COVID-19.

READ: TV comedienne na si Mahal, pumanaw na


“Nabigla ako, eh. Hindi ko alam… hindi ako naniniwala hanggang ngayon. Hindi talaga ako naniniwala na si Mahal patay na,” umiiyak na pahayag  ni Mura sa vlog na in-upload ni Vigrelyncare2.0.

“Sabi ko, hindi naman ata totoo yan.  Fake news na naman ata yan, eh,” umiiling niyang pahayag na hindi pa rin halos makapaniwala.

Naikuwento rin ni Mura na wala naman siyang ibang napansin kay Mahal nung dalawin siya nito sa bahay niya sa Guinobatan, Albay ilang linggo na ang nakakaraan kasama ang indie actor at rumored boyfriend na si Mygz Molino.

Aniya, “Nung nagpunta siya dito ang lakas-lakas pa niya.  Parang wala siyang nararmdaman, ganun. Sobrang saya niya, masayahin siya lagi. Parang wala naman sa kanyang nahahalata na may sakit siya.

“Sabi ko, kung totoo man yan, sana makapunta ako sa ano niya, kapag krinemate na siya baka kasi bawal.”

READ: Mahal may premonition kay Mura bago pumanaw

Inalala rin ng komedyante ang huling araw na kasama niya si Mahal.

“Ang sakit kasi, ang tagal naming hindi nagkita. Tapos nagkita kami dito sa bahay ko ng isang araw lang kasi kinabukasan umuwi na sila ulit.

“Sabi pa nga niya sa September babalikan nila ako para kukunin daw nila ako. Sabi ko naman, ‘Oo,’ tapos binigyan pa nga nila ako ng pambili ng baboy,” lahad pa niya.

Ginunita rin nito ang mga magagandang alaala nung panahong magkasama pa silang nagsu-show ni Mahal sa ibang bansa.

“Magkasama kami sa ibang bansa, sa Japan, sa Amerika. Nag-show kami sa Japan, nag-concert kasama sina Aiza (Ice) Seguerra. Tapos sa Amerika naman sina Tito Dolphy… magkasama na sila ngayon. Sana nga hindi totoo, eh,” balik-tanaw ni Mura.

Muli ay naging emosyonal si Mura nang magbigay siya ng mensahe ng pakikiramay sa pamilya ni Mahal.

“Sa family ni Mahal, lubos akong nakikiramay sa inyo. Hindi rin ako makapaniwala na si Mahal wala na. Sana, makapunta ako diyan sa inyo, madamayan ko man lang kayo sa pagdadalamhati ninyo. Pasesnsiya na kayo malayo ako, eh. Siguro kung malapit lang ako nandiyan din ako, karamay n’yo. Nakikiramay ako sa inyong lahat…” umiiyak nitong pahayag.