• Home
  • Fresh Scoops
  • Aminado ang singer na si Angeline Quinto na sa kabila ng kanyang matagumpay na karera ay nais pa rin niyang bumalik sa pag-aaral.

Angeline Quinto, nais bumalik sa pag-aaral

Aminado ang singer na si Angeline Quinto na sa kabila ng kanyang matagumpay na karera ay nais pa rin niyang bumalik sa pag-aaral.

BY
Leah Bueno

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

08/06/2021 10:54 AM
Angeline Quinto, nais bumalik sa pag-aaral
Screenshot from Dr. Vicki Belo YouTube Channel

Aminado ang singer na si Angeline Quinto na sa kabila ng kanyang matagumpay na karera ay nais pa rin niyang bumalik sa pag-aaral. 

Sa panayam ng celebrity doctor na si Vicki Belo, sinabi ni Angeline na ito rin umano ang hiling ng kanyang Mama Bob noong nabubuhay pa ito. 

"Laging sinasabi ni Mama sa akin na kapag may pagkakataon, sana ituloy mo 'yung pag-aaral mo," kwento niya.


Nasa fourth year high school na umano si Angeline nang huminto siya sa pag-aaral para ipagpatuloy ang kanyang pangarap na maging isang sikat na mang-aawit. 

Matatandaang ang big break ni Angeline ay ang pagkapanalo niya sa Star Power: Sharon’s Search for Next Female Pop Star ng ABS-CBN noong 2011.

"[Hindi ko natapos 'yung pag-aaral ko] kasi 'yun 'yung time na naka-sali po ako ng Star Power. Eh nung time po na nakikiusap ako doon sa school na tulungan ako para makahingi po ako ng mga excuse letter, kasi sa mga exams hindi na ako nakaka-attend, hindi naman po ako binigyan. [Pero] ito ngayon na may chance po baka puwedeng makabalik ako sa pag-aaral ko," aniya.

Pagbabahagi pa ni Angeline, bukod sa makapagtapos ng high school at college ay nais din niyang pumasok sa culinary school. Aniya, bukod sa pag-awit ay mahal niya rin ang pagluluto. 

"Kasi 'yung ibang mga dreams ko pa talaga, bukod sa singing, ang goal ko magkaroon ako ng mga restaurant. Dahil nga mahal ko rin ang pagluluto. So 'pag natapos ko 'yung high school ko, makapag-college ako, gusto ko po talagang makapag-culinary," sabi niya.

Noong Pebrero, ibinahagi ni Angeline na isa sa mga pangarap niya ang makapagpatayo ng maliit na restoran sa Pangasinan kung saan ipinanganak at lumaki ang kanyang Mama Bob.

BASAHIN: ‘I miss you everyday’: Angeline Quinto marks birthday of late Mama Bob

"Kasi siguro bukod dito sa Manila—dahil sa trabaho ko kaya ako laging nandito—parang sa Pangasinan siguro din talaga ako tatanda," ani ng singer sa kanyang naging pagbisita sa Magandang Buhay. "Wala akong ibang mahal bukod sa pagkanta kung hindi ang pagluluto. So 'yung dalawang 'yon ang pinakapangarap ko talaga.

"Sinabi ko rin ito kay Mama Bob, noong buhay pa ang Mama Bob ko, na kung magkakaroon ako ng sariling restaurant gusto ko sa Pangasinan itatayo.Kkasi doon ang hometown ng mama ko, doon siya ipinanganak at halos lahat ng alam kong lutuin ay sa Pangasinan din nangggaling," dagdag niya.

Sa ngayon ay napapanood si Angeline sa sikat na serye ng ABS-CBN na Huwag Kang Mangamba at sa long-running concert variety show na ASAP Natin 'To.