• Home
  • Fresh Scoops
  • Bakit napa-oo si Christian Bables sa kanyang latest gay role?

Christian Bables hindi napigilang muling tumanggap ng gay role sa ‘Bekis On The Run’

Bakit napa-oo si Christian Bables sa kanyang latest gay role?

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

08/29/2021 01:00 PM
Christian Bables hindi napigilang muling tumanggap ng gay role sa ‘Bekis On The Run’
Photo credit: @christiaaan06 Instagram

Isa ang aktor na si Christian Bables sa matinding tinamaan ng pandemya dahil hindi natuloy ang ibang trabaho na nakalinya sana niyang gawin sa ABS-CBN noong 2020. Mabuti na lang daw at patuloy pa rin siyang nakakaraos dahil sa tulong ng kanyang pamilya.

Ani Christian, “Awa naman ni God, malakas pa rin po yung family business namin. Our family owns Below The Line agency, it’s a company managed by my mom.

“Ngayon po, I am trying to open a business—a restaurant. Awa naman po ni God, medyo nasu-sustain pa naman po ako ng mga business na naipundar ko rin noon.”


Pero bilang aktor ay hinahanap-hanap din daw talaga niya ang pag-arte na hindi na niya masyadong nagagawa nung magsimula ang pandemya.

“Yung acting for me, kaya ko siya minahal kasi outlet ko yon. Para akong gutom, para akong uhaw kapag hindi po ako nakakaarte. So, nung one and a half years na nag-lockdown po tayo, walang mga acting project, medyo na-depress ako nang konti.

“Yung mga pelikula ko na nakahilera sa schedule ko po, lahat po ay na-postpone because of the pandemic,” sabi pa ni Christian na bida sa pelikulang Bekis On The Run ng Viva Films kasama sina Sean de Guzman, Kylie Verzosa, at Diego Loyzaga.

Inamin din ni Christian na naisalba siya ng pagiging Your Face Sounds Familiar finalist dahil marami rin siyang na-discover sa sarili. Umere ang Your Face Sounds Familiar sa Kapamilya channels noong February 2021 at natapos naman noong May. The reality contest was hosted by Luis Manzano.

“God moves in mysterious ways. Ang galing ni God, ni-lead Niya ako towards Your Face Sounds Familiar. Na-discover ko na okey, masaya rin pala kumanta, mag-perform, sumayaw. Kaya ko rin pala. So, isa yun sa mga nagsalba sa akin, kumbaga,” pagtatapat pa niya.

READ: Christian Bables thanks ABS-CBN for making him part of ‘Your Face Sounds Familiar’

Sa pelikulang Bekis On The Run ay muling sasabak sa gay role si Christian. Bagama’t nagpahayag na siya noon na magpapahinga na muna sa ganung klaseng role pero hindi raw niya puwedeng palampasin ang pagkakataon na makatrabaho si Direk Joel Lamangan kaya tinanggap niya ang proyekto.

“Napag-usapan namin before ng manager ko, si Tito Boy Abunda, na siguro, pahinga muna ako sa paggawa ng gay roles. Pero yung gay roles ang ayaw magpahinga sa akin. Parang gustung-gusto po nila ako,” sabay tawa ni Christian.

Dugtong ng award-winning actor, aktor, “Masaya na ma-handpick ng isang Joel Lamangan para sa kanyang pelikula. Sino po ako para tumanggi? That’s Direk Joel Lamangan. Kahit siguro ang role na ibigay niya sa akin ay ipis, gagawin ko po, ma-experience ko lang na makatrabaho si Direk Joel Lamangan.”

READ: Kylie Verzosa and Christian Bables join forces for new Joel Lamangan film

Tumatak ang pangalan ni Christian sa pagganap niya ng mga gay characters nina Barbs Cordero sa pelikulang Die Beautiful noong 2016 na nasundan naman ng role niya bilang si Samuel Panti sa 2019 hit comedy movie na The Panti Sisters.

Ipapalabas sa streaming platforms na ktx.ph, iWantTFC at Vivamax ang Bekis On The Run simula September 17.