• Home
  • Fresh Scoops
  • Ibinahagi ni Jessy Mendiola ang bagay na nakakapagpaiyak sa kanyang asawa sa laro na ‘Who Knows Lucky Better’ kasama ang ina ni Luis Manzano na si Vilma Santos.

Jessy Mendiola, ibinahagi ang bagay na nakakapagpaiyak kay Luis Manzano

Ibinahagi ni Jessy Mendiola ang bagay na nakakapagpaiyak sa kanyang asawa sa laro na ‘Who Knows Lucky Better’ kasama ang ina ni Luis Manzano na si Vilma Santos.

BY
Leah Bueno

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

08/20/2021 05:25 PM
Jessy Mendiola, ibinahagi ang bagay na nakakapagpaiyak kay Luis Manzano
Screenshot from Jessy Mendiola YouTube Channel

Inalam ni Luis Manzano kung sino sa kanyang ina na si Vilma Santos at kanyang asawa na si Jessy Mendiola ang mas nakakakilala sa kanya. 

Sa video na in-upload nitong Huwebes, Agosto 19, sa YouTube channel ni Jessy, naglaro ang tatlo ng "Who Knows Lucky Better", kung saan mag-uunahan sa pagsagot sina Vilma at Jessy ng mga katanungan tungkol kay Luis.


Sa laro, parehas na nakakuha ng tamang sagot ang dalawa nang tanungin ni Luis kung ano ang kanyang palayaw noong bata siya. 

"Lucky," sagot ni Vilma. "Bako bako," sagot naman ni Jessy.

Paliwanag ni Luis, "bako bako" ang tawag sa kanya noon dahil bako bako umano ang kanyang ulo.

Pinaliwanag din ni Vilma kung bakit "Lucky" ang tawag niya sa anak. 

"Nung time na nagkaroon ako ng problema financially, back to zero talaga, wala na akong pera, pinagbubuntis ko siya noon. And then nung pinanganak ko si Lucky, April 21, 1981. So April is 4th month, plus 2 + 1, is 7. And then nung pinanganak ko siya, ang birth weight niya, ay 7.7 kgs. When I was pregnant with him, I was literally back to zero financially. When I gave birth to him, alam mo 'yung recover ko talaga sa showbiz, parang mas minahal ako ng mga tao. Doon ko nakuha 'yung box office, doon ko nakuha lahat ng best actress award. Talagang naging very, very lucky siya sa buhay ko. I was able to recover. Kaya mula noon sinabi ko talagang lucky siya sa buhay ko," paliwanag ng beteranang aktres.

Samantala, sumang-ayon naman si Vilma sa sagot ni Jessy na pagsayaw ang isa sa mga "hidden talents" ni Luis. 

"Alam niyo po, sa totoo lang, agree ako sa 'yo Jessy. Magaling po siyang sumayaw. It's just kung minsan, lahat ng bagay binibiro niya. Pati 'yung sayaw niya, niloloko niya. Pero magaling pong sumayaw si Lucky," ani Vilma, na kilala rin sa kanyang pagiging magaling sumayaw. 

PANOORIN: Luis Manzano, nag-Zumba kasama ang inang si Vilma Santos

Muli namang nakakuha ng tamang sagot si Jessy nang tanungin ni Luis kung ano ang dream job niya nung bata siya.

"Doctor," sabi ni Jessy. "Surgeon."

"Partly, tama. Pero fighter pilot [talaga ang pangarap ko]. Pero doctor, 'yan din talaga. In fact, ang course ko dapat nung college ay magdo-doctor dapat ako," sabi ni Luis.

Samantala, nasagot din ni Jessy ang tanong kung ano ang bagay na nakakapagpaiyak sa kanyang asawa.

"Ang napapansin ko sa 'yo, minsan iniisip ng mga tao, palagi kang nagjo-joke. Minsan iniisip nila na, kahit 'yung mga seryosong bagay hindi mo masyadong napapansin kasi gusto mo palaging joke lang, palaging masaya lang. Pero ang hindi nila alam, kapag napag-uusapan na 'yung foundation, 'yung mga orphanage, 'yung charities na sinusuportahan ni Luis. Kasi one time, nanood po ako ng isang taping niya sa Minute To Win It yata 'yun. Tapos parang birthday episode po niya 'yon, tapos sinurprise po siya na nandoon lahat ng kids sa Child Haus. Nakita ko na umiyak talaga si Luis. And tayo pa lang noon, hindi pa tayo nagpakakasal noon or hindi pa tayo engaged, sabi ko, 'Napakabait talaga ng taong 'to,'" sabi niya.

Agad namang nakasagot si Vilma sa tanong kung anong bagay ang pinaka-kinaiinisan ni Luis. 

"Nale-late... Galit na galit 'yan sa mga taong laging late. Kung gusto niyong uminit ang ulo niya, 'yung merong schedule, nag-antay siya ng 30 minutes, 1 hour, bago dumating 'yung kasama niya, 'yun ang susumpungin talaga siya ng grabe," sabi ni Vilma.

Paliwanag ni Luis: "Dahil naniniwala ako na one of the most basic forms of respect is being on time."

BASAHIN: Luis Manzano admits to cheating, Jessy Mendiola to editing her photos in ‘Never Have I Ever’ game

Sa huli, sinabi ni Luis na para sa kanya, "tie" ang naging laban ng kanyang ina at asawa dahil parehas niyang mahal mga ito.