• Home
  • Fresh Scoops
  • Sa panayam ni Matteo Guidicelli para sa kanyang ‘MattRuns’ podcast, sinabi ng aktres na si Angel Locsin na matagal na niyang pangarap na magkaroon ng sariling anak.

Angel Locsin, excited nang bumuo ng pamilya kasama si Neil Arce

Sa panayam ni Matteo Guidicelli para sa kanyang ‘MattRuns’ podcast, sinabi ng aktres na si Angel Locsin na matagal na niyang pangarap na magkaroon ng sariling anak.

BY
Pau Benoza

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

07/20/2021 08:53 AM
Angel Locsin, excited nang bumuo ng pamilya kasama si Neil Arce
Photo credit: @neil_arce Instagram

Inamin ng aktres na si Angel Locsin na excited na siyang bumuo ng sariling pamilya kasama ang kanyang fiancé na si Neil Arce.

Sa panayam ni Matteo Guidicelli para sa kanyang "MattRuns" podcast, sinabi ni Angel na matagal na niyang pangarap na magkaroon ng sariling anak. 

 


 

“Pero hindi naman basketball team. Mga isa or dalawa. Dati twins ang gusto ko pero nakita ko 'yung mga kaibigan ko na may mga anak, parang hindi ko kaya na sabay. Kailangan nakatutok ka talaga. Kung mabigyan ako ng blessing ni Lord, go," aniya.

Patuloy pa ng aktres, pakiramdam niya ay magiging isa siyang "stage mother".

Nang tanungin naman kung papayag ba siyang mag-artista ang kanyang mga magiging anak, sinabi ni Angel na bagamat hindi niya ito pipigilan, kailangan munang unahin ng mga ito ang kanilang pag-aaral.

“Well kung gusto nila. Pero siguro sa umpisa commercial lang tapos aral muna,” aniya.

“Kasi hindi ako graduate eh. Alam ko kung gaano kaimportante ['yung pag-aaral]. Alam kong may mga achievements ako pero iba pa rin talaga 'yung may diploma ka. Pwede mo iyon dalhin kahit nasaan ka. Hindi 'yun mananakaw sa iyo," dagdag pa niya.

Sa ngayon ay naka-focus si Angel sa kasal nila ng kayang fiancé na isang film producer.

BASAHIN: House plans? Angel Locsin shares details about the road to marriage with Neil Arce

Nang tanungin kung excited na rin ba siyang ikasal sa kanyang longtime partner, sagot ng aktres: “Yes. Walang duda. Si Neil din naman kasi he’s very supportive talaga. Iba kasi 'yung partner, iba 'yung lover. 'Yung partner kasi alam mong hindi ka iiwan sa ere kahit anong mangyari. Napakasarap lang ng pakiramdam ng ganun."

Ayon pa kay Angel, tanging hiling niya sa susunod na lima o sampung taon ay ang magkaroon ng simple at masayang pamilya.

“Sana ma-bless ako ng anak, ng isang simpleng masayang pamilya. Kung ano man ang ginagawa ko sa mga panahon na 'yun, ako ay masaya, kampante at may takot sa Diyos at malayang nagagawa ang ginagawa ko ng walang pag-aalinlangan," ani Angel.

Taong 2019 pa nang inanunsyo nina Angel at Neil na engaged na sila.

Noong nakaraang taon, ibinunyag ng dalawa na plinano nilang ikasal noong Nobyembre 8, 2020, ngunit napilitan silang i-postpone ang kasal dahil sa COVID-19 pandemic.