• Home
  • Fresh Scoops
  • Naiintindihan daw ni Luis Manzano na kailangan ng mga tao na lumipat ng network na kumita ng pera.

Luis Manzano, hindi hinuhusgahan ang mga lumipat sa ibang network

Naiintindihan daw ni Luis Manzano na kailangan ng mga tao na lumipat ng network na kumita ng pera.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

06/23/2021 06:00 PM
Luis Manzano, hindi hinuhusgahan ang mga lumipat sa ibang network

Marami na sa mga dating Kapamilya stars ang lumipat na ng ibang TV network, pero nananatili pa rin sa ABS-CBN ang aktor at award-winning TV host na si Luis Manzano. Maging ang kaibigan niyang aktor na si John Lloyd Cruz na nakasama niya noon sa pelikulang In My Life na pinagbibidahan ni Vilma Santos ay nag-ober da bakod na rin.

Ano ba ang reaksyon niya dito?

“Alam mo, Kuya Leo,  ako ang unang-unang magsasabi na ‘a man has to do  what a man has to do.’ I will never judge any artist, any staff, kahit sino na lumilipat ng istasyon because siyempre kung nasaan ang trabaho do’n ka dapat lalung-lalo na kung may pamilya ka,” pahayag niya sa PUSH.


“Why would I judge someone na ang habol lang naman niya is to provide whether for himself or for his family. I will never judge any of the artist na lumipat—never,” dagdag pa niya.

Hindi rin daw sumagi sa isip niya ang umalis sa ABS-CBN dahil masaya at kuntento naman siya dito. Napapanood si Luis sa ASAP tuwing Sunday at katatapos lang niyang mag-host sa Your Face Sounds Familiar.

“Alam mo, at this time, I’m still with ABS, busy pa naman ako sa ABS,” matipid niyang reaksyon.

Nakausap ng PUSH si Luis sa virtual mediacon ng bago niyang endorsement – ang Sweet Via na malaki ang puwedeng maibigay na tulong sa mga taong may diabetes at gustong magbawas ng timbang.

Ayon kay Luis, hindi na niya matandaan kung pang-ilan endorsement na niya ang Sweet Via. Nagpapasalamat na lang daw siya sa Diyos na marami pa rin siyang blessings kahit pandemic.

Ano ba ang ikinokonsider niya bago tumanggap ng endorsement?

“Siyempre I have to believe on the product. And siguro kahit papaano that is one secret that’s why yung mga endorsements ko very thankful na it’s always longer. Kumbaga, bihira akong magkaroon ng endorsement na one contract lang. Because I firmly believe and use the product, kasi para sa akin it’s the best way to do it, eh.

“Kasi di ba, ang hirap naman  to speak highly  of something you don’t believe in. Hindi lang ako naniniwala, ginagamit ko talaga. In fact may isang endorsement ako na we’re going on 18 years na,” pagmamalaki pa ni Luis.

Aminado naman ang host na nag-gain siya talaga ng weight during pandemic pero ikinatuwa niya na kahit papaano ay nakikita niya na raw ulit ngayon ang kanyang baba (chin).

Kuwento niya, “Kahit yung team ko, yung stylist ko, lahat sila medyo parang… Hindi na lang para sabihin sa akin na, ‘Lu, medyo kailangan nating magpapayat kasi it’s not looking good on TV.’ So para sa akin, when I started using this product nararamdaman ko talaga na I started  dropping kahit papaano.

“Kasi regardless of the diet you do, mag-keto ka, mag-low carb ka, yung basic premise para sa akin of losing weight will always be calorie deficit regardless of the diet that you use, it boils down to calorie deficit.”

Nang tanungin naman namin kung seryoso na ba siya sa pagpasok sa pulitika ay kaagad na nag-no si Luis.

“Wala. Wala din talagang plano coz I’m still with ABS-CBN. Busy pa naman ako sa lahat ng mga kailangan kong gawin,” paglilinaw niya.

Dagdag pa ni Luis, mas excited daw siya sa fatherhood o pagiging ama sa magiging anak nila ni Jessy Mendiola kesa maging public servant.

“Naku, I am looking forward to that. Sana… sana soon ay mangyari na.  Alam n’yo naman it’s not easy to have such big step in life with this pandemic going on, di ba? Pero sana yon na yung next to happen,” nakangiti at huling pahayag niya sa PUSH.