EXCLUSIVE: Wedding gowns ni Ara Mina, dinesenyo ng 2 sa pinakasikat na Pinoy fashion designers

Naka-set na ang date at venue ng kasal ni Ara Mina.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

06/16/2021 03:10 PM
EXCLUSIVE: Wedding gowns ni Ara Mina, dinesenyo ng 2 sa pinakasikat na Pinoy fashion designers
Photo Credit: @therealaramina Instagram

Plantsado na ang lahat ng detalye tungkol sa kasalang Ara Mina at Dave Almarinez. Nakatanggap na rin kami ng digital invite pero nakiusap sa amin si Ara na huwag muna naming i-reveal kung kailan ang exact date ng kanilang kasalan na ang venue ay sa Baguio.

Mga kaibigang artista sa showbiz ang magiging bridesmaids ni Ara. Pangungunahan ito ni Barbie Imperial na naging very close sa aktres pagkatapos nilang magsama sa afternoon series ng ABS-CBN na Araw Gabi.

Kasama rin sa celebrity entourage ni Ara ang iba ang malalapit na kaibigan tulad nina Sunshine Cruz, Jessa Zaragosa, Samantha Bernardo, Melissa Ricks, Jenny Miller at Jaycee Parker Aguas.


READ: Ara Mina’s dreamy prenup photos with non-showbiz fiancé in Palawan

Pinaghalong celebrities at mga bigating political personalities naman ang ninang at ninong nina Dave at Ara.

Ninong si Dondon Monteverde na naging manager ni Ara for the past 15 years. Ninong din si Vic del Rosario na kasalukuyan manager ng FPJ’s Ang Probinsyano star.

Kabilang naman sa iba pang ninang sina Cory Vidanes, Cong. Vilma Santos, at Sharon Cuneta.

READ: Ara Mina shares sweet message for fiancé Dave Almarinez

Dalawang gowns naman ang isusuot ni Ara sa kanyang kasal na parehong dinesenyo ng top Pinoy fashion designers na sina Francis Libiran at Leo Almodal na naka-base sa Dubai.

“Hindi pa niya (Francis) ako nagawan ng damit ever. Kumbaga, first time, tapos he’s one of the top designers in the Philippines.

“May mga recommendations at maganda ang mga creations ni Francis kaya after magpasukat ni Dave para sa kanyang suit ay nag-decide na rin ako na sa kanya magpapagawa ng wedding gown ko.

“Yung isang gown ko na gawa naman ni Leo Almodal ay regalo naman ng mga kapatid ko. Dahil ako ang ate ng lahat kaya nag-ambagan sila sa aking wedding gown. Ako yung first celebrity bride na dadamitan niya dito sa Pilipinas. Usually kasi mga princess ang dinadamitan niya sa iba’t ibang bansa,” kuwento pa ni Ara.

Ang mga kapatid sa ina na sina Heidi, Harbin, Holy King, at Cristine Reyes at mga kapatid naman sa ama na sina Macky at Cris Mathay ang tinutukoy ni Ara na nagregalo ng isa niyang wedding gown.

Isang Pinoy international fashion designer din na nagngangalang Pia Gladys Perey ang nagregalo ng mga gowns na isusuot naman ng kanyang bridesmaids.

“Nung nalaman niya agad na nag-propose sa akin si Dave she texted me right away. So grateful,” sabi pa ni Ara.

READ: EXCLUSIVE: Ara Mina, naniniwala na nagdala sa kanya ng suwerte ang ‘FPJ’s Ang Probinsyano’

Samantala, nasa lock-in taping ng FPJ’s Ang Probinsyano si Ara nang makausap siya ng PUSH. Nagtatrabaho pa rin ang aktres habang hinihintay ang isa sa pinakaimportanteng araw ng kanyang buhay.

“Siyempre, ganun talaga. Dapat hindi mo pinababayaan kung ano yung commitment mo. Ang gagawin ko lang naman pag wedding na is aalis ako ng taping tapos babalik din ako after ilang days,” natatawa at huling pahayag ni Ara sa aming phone interview.