• Home
  • Fresh Scoops
  • Ayon kay Juliana Parizcova Segovia, binubully na siya kahit pinagbubuntis pa lang siya ng kanyang ina.

Juliana Parizcova Segovia hinampas ng trophy sa ulo: ‘Hindi nila matanggap na ako yung title’

Ayon kay Juliana Parizcova Segovia, binubully na siya kahit pinagbubuntis pa lang siya ng kanyang ina.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

06/12/2021 12:35 PM
Juliana Parizcova Segovia hinampas ng trophy sa ulo: ‘Hindi nila matanggap na ako yung title’
Photo credit: @juliana_parizcova Instagram

Hindi makalimutan ni Juliana Parizcova Segovia ang dinanas niyang matinding pambu-bully at panlalait nung panahon ng kanyang kabataan. Ibinahagi ito ng 2018 Miss Q&A winner ng It’s Showtime sa PUSH at sa ibang showbiz press na dumalo sa virtual presscon ng pelikulang Gluta na pinagbibidahan ni Ella Cruz.

Kuwento pa ni Juliana, nasa tiyan pa lang daw siya noon ng kanyang ina ay nilalait na siya ng ibang tao.

READ: Ella Cruz plays the role of an Aeta who dreams of being a beauty queen in new film ‘Gluta’


“Sa mga nakakaalam ng istorya ng buhay ko, nasa sinapupunan pa lang ako, binu-bully na talaga ako. Totoo yan,” lahad pa niya.

“Nu’ng nabuntis ang nanay ko, talagang ayaw ng family ng nanay ko na magbuntis siya nang ganun kaaga. Parang nag-try na ilaglag ako and everything. Pero siyempre, makapit ako, palaban, kaya nailabas pa,” patuloy ni Juliana na dinaan na lang sa biro.

“Hanggang paglabas, hanggang sa lumalaki ako, lahat yan na-experience ko. Lalung-lalo na nu’ng nagsisimula na akong sumali sa Miss Gay.

“Nang magsimula akong mag-contest sa mga barangay at ang kalaban ko, eh, talagang totoong mga baklang magaganda, malalambot, mukhang babae, du’n talaga ako naka-experience ng bullying,” patuloy niyang kuwento.

Dumarating din daw sa point na sinasaktan na siya physically.

“Yung experience na biglang may mananakit sa ’yo nang walang dahilan, totoo po na nangyayari. Kasi kapag ako ang nananalo sa isang barangay contest, hinahampas ako ng trophy sa ulo.

“Parang hindi nila matanggap na ako yung title. So ang ginagawa ko, inaalayan ko sila ng bouquet of flowers. ‘Oh, iyo na lang yan para may maiuwi ka,’ pagre-recall pa ni Juliana.

Nang manalo si Juliana sa Miss Q&A ay nabawasan na raw ang pambu-bully sa kanya.

Aniya, “Hindi ko masasabi na totally wala na. Hanggang ngayon, meron pa rin naman nambu-bully. Pero nabawasan talaga simula nung ako mismo, kailangan kong maniwala sa sarili ko na maganda ako. Kasi kapag hindi ako naniwala sa sarili ko na maganda ako, yun din ang makikita sa akin ng mga tao.”

Samantala, ayon pa rin kay Juliana ay tutol siya pagsali ng transgender woman sa mga beauty pageant tulad ng Binibining Pilipinas, Miss Philippines, at sa Miss Universe.

“Kung transgender kang contestant sa Miss Gay Barangayan at may sasali na tunay na babae, di ba magrereklamo ka? Meron naman kaming sariling laban like Miss International Queen in Thailand na puwedeng paingayin at bigyan ng focus by holding a Miss Philippines International Queen local edition bago isabak sa Thailand.

“Ito talaga ang dikta ng lipunan. Kung babae ka, ang Miss Universe para sa yo at kung transgender ka naman, Miss International Queen ka,” giit pa niya.

Sa Gluta na Viva Films na idinirek ni Darryl Yap ay ginagampanan  ni Juliana ang karakter bilang isang Aeta na tiyuhin ni Ella Cruz na nangangarap ding maging beauty queen. Mapapanood ito sa Vivamax sa July.