Balik sa pagpapatrol para sa sambayanang Pilipino ang beteranang mamamahayag na si Doris Bigornia tatlong buwan matapos ang kanyang operasyon sa puso.
Muling mapapanood si Doris Bigornia sa nangungunang news program ng Kapamilya network na TV Patrol.
Bagama’t napapanood na si Doris sa Teleradyo nitong mga nakaraang buwan, ito ang unang beses na mapapanood si Doris matapos ang kanyang open-heart surgery noong nakaraang Pebrero.
READ: Doris Bigornia to undergo another heart operation; family hopes to raise 1.5 million pesos
Sa programang SRO sa Teleradyo kung saan kasama niya si Alvin Elchico bilang co-anchor, masayang ibininahagi ni Doris ang kanyang pagbabalik bilang reporter sa TV Patrol.
Ani Doris, sa bahay muna niya ibabalita ang mga mahahanap niyang istorya para sa programa.
"Work from home na ako. Kailangan ko ng maghanap ng storya. Pero, at least, officially, babalik na ako tomorrow," pagbabahagi ni Doris.
Maliban sa triple heart bypass surgery, sumasailalim din si Doris sa dialysis dahil sa kanyang sakit sa bato.
Nakalikom naman ng sapat na pera si Doris at ang kanyang pamilya para mabayaran ang kanyang hospital bills sa pamamagitan ng kanyang anak na humingi ng tulong sa social media.