• Home
  • Fresh Scoops
  • Hindi muna gagawa ng pelikula si Vice Ganda habang may surge ng COVID-19 cases.

Vice Ganda, ayaw makipagsapalaran sa paggawa ng pelikula ngayong panahon ng pandemya

Hindi muna gagawa ng pelikula si Vice Ganda habang may surge ng COVID-19 cases.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

05/09/2021 03:38 PM
Vice Ganda, ayaw makipagsapalaran sa paggawa ng pelikula ngayong panahon ng pandemya
Photo Credit: @praybeytbenjamin Instagram

Kung ang ibang artista ay malakas ang loob gumawa ng pelikula at magsyuting sa gitna ng panganib ng COVID-19, sa kaso ni Vice Ganda, ayaw niyang makipagsapalaran at hindi raw niya iri-risk ang kanyang kalusugan.

Ganito ang kanyang naging sagot sa tanong kung kailan ba siya ulit gagawa ng pelikula sa ginanap na virtual media conference para sa kauna-unahan niyang digital concert na pinamagatang GANDEMIC: Vice Ganda The VG-tal Concert na naka-schedule sa July 17, 2021.

READ: Vice Ganda, mas malaki ang epekto ng pandemya sa kanyang finances kesa sa ABS-CBN shutdown


“Kung maayos lang ang sitwasyon nakagawa na dapat tayo, di ba? Gigil na gigil na rin kami nina Boss Vic (del Rosario ng Viva) na gumawa ng pelikula. Kahit na ang Star Cinema gigil na gigil na kami.

“May mga naplano na kami. Nakailang creative meetings na kami, ang dami ng nabuo pero dahil sa ganitong sitwasyon paano kami makakapagsyuting. Ayoko naman ng syuting na lock-in na one week tapos tapos na yung pelikula. Di ba, nakakapitu-pito, sabi ko, ‘No, ayoko ng mga ganyan!’ Kahit sila din naman, hindi naman papayag ang Star at ang Viva na ganung klaseng project lang. Kailangan unkabogable, di ba, hindi puwedeng puchu-puchu,” paliwanag ni Vice.

Aminado rin ang comedian/TV host na hanggang ngayon ay natatakot pa talaga siyang lumabas ng bahay lalo na nung nagkaroon ng bagong surge ang COVID-19 cases nitong April, 2021.

Lahad ni Vice, “Ay, hindi talaga ako lumalabas. Hindi talaga ako lumalabas kasi takot na takot ako. Hindi talaga ako lumalabas at all. Yung Showtime ang ang inilalabas ko.”

Muntik na nga rin daw siyang mag-leave sa It’s Showtime dahil sa takot sa corona virus.

“Yung Showtime nga, there was a time na magbe-beg off sana ako, eh. Nung nagkaroon ng surge magbe-beg off sana ako, na baka hindi muna ako papasok, hindi muna ako sasali ngayong cycle,” pagtatapat ni Vice.

“Pero nag-isip ako, sabi ko, pag ginawa ko yon hindi rin papasok yung mga kasamahan ko. So, pag ginawa namin yon anong mangyayari sa programa, di ba? Eh, siyempre mahal na mahal ko yung programang yon, kailangan ko ring ikonsider kung anong kahihinatnan para sa programa.

“So, we make a compromise na, ‘Sige, pasok tayo pero ganito, ganito dapat kahigpit, ganyan-ganyan.’ Everyday may swab kami sa Showtime, as in everyday. Di ba yung iba entry swab, exit swab lang, kami everyday, dahil sa sobrang takot namin.

“Tapos pag walang Showtime hindi talaga ako lumalabas unless  may mahalagang dahilan para lumabas. Lumabas lang ako nung nakaraan kasi kailangan ko nang magpa-Belo bilang paghahanda sa concert ko,” kuwento ng tinaguriang Unkabogable star.

Tinanong na rin namin si Vice kung ano ang  pakiramdam niya na hindi man lang niya nainterbyu si Rabiya Mateo na nagawa niya noon kina Pia Wurtzbach at Catriona Gray sa Gandang Gabi Vice. Parehong nanalo sa Miss Universe pageant sina Pia at Catriona dahil sa pabertud na pabaon ni Vice.

“Charot-charot lang naman yung pabertud na yon na kaya sila nanalo kasi binigyan ko sila ng pabertud,” natatawa niyang reaksyon sa tanong namin. “Pero talaga namang deserving naman at mahuhusay naman talaga silang dalawa.

“Even Rabiya, I have very high hopes for Rabiya. Naniniwala naman akong kayang-kaya niya. She’s very talented, she’s very gifted, she’s special, kayang-kaya niya yon. Ang tanong na lang is kung nakasulat ba sa kanyang tadhana (ang maging Miss Universe). Kaya magdasal tayo na sana nakasulat sa kanyang tadhana na maputungan ng korona,” huling pahayag ni Vice sa PUSH.