• Home
  • Fresh Scoops
  • Maraming mangandang nangyari sa career, negosyo, at personal life ni Ara Mina mula nang nasali siya sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano’

EXCLUSIVE: Ara Mina, naniniwala na nagdala sa kanya ng suwerte ang ‘FPJ’s Ang Probinsyano’

Maraming mangandang nangyari sa career, negosyo, at personal life ni Ara Mina mula nang nasali siya sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano’

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

05/08/2021 11:34 AM
EXCLUSIVE: Ara Mina, naniniwala na nagdala sa kanya ng suwerte ang ‘FPJ’s Ang Probinsyano’
Photo credit: @therealaramina Instagram

Magdiriwang ng 42nd birthday ang aktres na si Ara Mina sa May 9, Sunday. Pero walang magiging bonggang selebrasyon ang aktres.

“Magdi-dinner lang kami sa bahay ni Dave (Almarinez, ang kanyang fiancé) kasama si Mommy. Yung ibang siblings ko next time na lang,” kuwento ni Ara sa PUSH habang nasa lock-in taping siya ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Lipa, Batangas.

READ: Ara Mina, isang answered prayer ang kanyang engagement


“Buti nga bakante ako ng May 9, nagka-break ako sa taping ng Probinsyano kaya makakauwi ako sa bahay. Pero if ever man na may taping ako sa mismong birthday ko, magtatrabaho pa rin ako, buti na nga lang wala,” natatawa niyang pahayag sa aming phone conversation.

Ano ba ang kanyang birthday wish ngayon?

“Honestly, parang wala na akong maisip na birthday wish except siyempre sa good health dapat at magtuluy-tuloy lang sana ang magandang takbo ng businesses at career ko. Kasi parang halos lahat binigay na sa akin ni Lord, eh. Parang ang kapal naman ng mukha ko kung maghahangad pa ako ng kung anu-ano, di ba?

“Basta sana stable lang lahat kasi okey na okey na ako. May trabaho ako kahit pandemic, okey yung negosyo ko, tapos masaya rin ang personal life ko. Thankful and grateful ako sa lahat ng mga nangyayari,” pahayag pa niya.

Ayon pa sa award-winning actress and entrepreneur, pakiramdam niya ay may hatid na suwerte sa buhay niya ang pagkakapasok sa Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin na halos anim na taon na sa telebisyon.

“Pumasok ako show ng December of 2019 at kahit pandemic nabigyan ako ng trabaho ng ABS-CBN, so parang isang taon at kalahati na rin ako sa show. O, di ba, parang hindi ko naramdaman na matagal na pala ako do’n. And since then, tuluy-tuloy na yung magagandang bagay na nangyari sa buhay ko.

“Nagkaroon ako ng pelikula, yung Pornstar na magkakaroon na ng part two. Tapos may gagawin din akong pelikula ngayon with Alex Gonzaga na sa Lipa rin ang shooting. Parang sa Lipa na nga ako nakatira ngayon, eh. Hahaha! Ibang hotel nga lang yung titirhan namin pag nag-shoot na kami don.

“Sa business side okey naman, nakapagbukas pa ako ng isang branch ng Hazelberry sa Cabanatuan City nitong April. Ang ganda rin ng role ko sa Ang Probinsyano as Helen Padua na kinaiinisan nang todo ngayon ni Lily (Lorna Tolentino) at lihim na karelasyon ng pekeng presidente (Rowell Santiago), sobrang blessed talaga.

“Nasa Ang Probinsyano rin ako nang biglang mag-propose sa akin si Dave at yayain ako ng kasal. So feeling ko, suwerte sa akin ang show,” masayang kuwento ng aktres sa amin.

Dagdag pa ni Ara, kahit daw ikasal na sila ni Dave ay lalabas pa rin siya sa Ang Probinsyano.

Aniya, “Oo naman, as long as nando’n pa siyempre yung character ko. Alam mo rin naman yung passion ko sa pag-arte, di ba, mahal na mahal ko yon, na actually parang hindi nga siya trabaho sa akin kasi nag-i-enjoy akong gawin.”

Eh, kailan nga ba talaga ang exact date ng kanilang kasal ni Dave?

“Malapit na malapit na, huwag kang mainip,” biro niya sa amin. “At gusto ko, siyempre nando’n ka sa kasal namin ni Dave,” huling pahayag ni Ara sa PUSH.