• Home
  • Fresh Scoops
  • Tanggap na din daw ni Ryan Bang kung magkaroon ulit ng love life ang ina. By Leo Bukas

Ryan Bang tuloy ang sustento sa inang nasa Korea kahit pandemya

Tanggap na din daw ni Ryan Bang kung magkaroon ulit ng love life ang ina. By Leo Bukas

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

05/05/2021 04:43 PM
Ryan Bang tuloy ang sustento sa inang nasa Korea kahit pandemya
Photo credit: @ryanbang Instagram (L) and Ryan Bang YouTube Channel (R)

Kahit may pandemya ay tuluy-tuloy pa rin ang sustento ni Ryan Bang sa kanyang mom na naninirahan sa Korea. Ito ang inamin ng komedyante at co-host ng It’s Showtime sa ginanap na virtual conference ng Regal Entertainment para sa pelikulang Mommy Issues.

Palagi raw siyang nagdedeposito ng pera sa kanyang ina. Pero hindi na niya idinetalye kung magkano ang ibinibigay niyang cash allowance dito.

Kuwento pa niya, “Hindi na mahalaga yung amount, alam din naman ng nanay ko sa Korea na siyempre, lahat naman tayo may pinagdadaanan. Kaya yung mommy ko minsan, kung kailangan niya ng pera, hindi naman humihingi sa akin.


“Kaya lang tumatawag sa akin, ‘Anak, nade-depress ako. Mag-isa lang ako dito. Nalulungkot ako. Parang wala na akong pang-ulam.’ Ibig sabihin, alam na. Alam na ng anak. Ibig sabihin, kailangan ng gamot ng nanay. Ang gamot ng nanay ko ay deposit.”

Ang Mommy Issues ay pang-Mother’s Day offering ng Regal Entertainment. Ipalalabas ito sa Uptream.Ph at sa iba pang streaming platforms simula May 8, 2021.

Ano ba ang natatandaan niyang naging mommy issues niya?

“Yung tunay na mommy ko sa Korea, single din siya, single mom. Nung meron na siyang boyfriend, nahirapan ako magtanggap. Kasi parang, ‘Mommy, may boyfriend ka na, tapos paano yung daddy?’” pagtatapat niya.

Pero naintindihan din daw niya ang naging desisyon ng ina nung magtagal.

“At the end of the day, naintindihan ko siya kasi mabait pa rin yung nanay ko. Kailangan pa rin may lambing, hindi lang ng anak, yung lambing ng ano—pag-ibig—kasi babae pa rin yung puso niya. So, naiintindihan ko tanggap ko na,” sabi pa ng Korean actor.

Kasama ni Ryan sa Mommy Issues si Pokwang. Take note, hindi sila mag-ina sa pelikula dahil si Pokwang ang love interest dito ni Ryan.

“Yung karakter ko sa Mommy Issues, naka-relate ako sa totoong buhay. Kasi nung nag-Korea kami ni Mamang Pokwang, yung beauty ni Mamang, nagulat ako. Maraming Korean ang tumitingin kay Mamang.

“Yung isang Koreano, nakita ko lumalapit kay Mamang, humihingi ng cellphone number. Doon sa Korea, kasama ko si Angelica Panganiban, sila Aiko Climaco, pero si Mamang talaga ang nilapitan ng mga Korean.

“So, yung beauty ni Mamang, hindi ko alam kung bakit hindi masyadong na-appreciate dito, pero sa Korea gandang-ganda sila kay Mamang,” masayang pagbabalik-tanaw ni Ryan.