SB19 react to ‘feeling K-Pop’ accusations: ‘Hindi po Korea ang ginagaya namin, sariling style lang po namin lahat’

SB19 responds to critics who say they lack originality.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

05/18/2021 01:53 PM
SB19 react to ‘feeling K-Pop’ accusations: ‘Hindi po Korea ang ginagaya namin, sariling style lang po namin lahat’
Photo Credit: @officialsb19 Instagram

Sa isang TV guesting ng sikat na P-Pop group na SB19 ay binasa nila ang ilang komento ng kanilang bashers. Hinamon din ang grupo ng isang netizen na magsuot sila ng bahag para patunayan kung talagang proud sila sa kanilang pagka-Pilipino.

“Kung talagang proud Pinoy sila bahag ang isuot nila, kung SISIKAT talaga sila kahit bahag lang ang suot sisikat sila, yon talaga wala silang ginaya, yon ang tinatawag na pure Pilipino talent,” hamon ng netizen.

Game naman sumagot si Ken sa hamon by saying “Gusto mo ba talaga?”


Ayon naman kay Stell, “Ate, sure ka na ba dito? Baka mamaya kapag nagbahag kami ma-fall ka.” Sinundan naman ito ni Justin ng, “Puwede po. Sa susunod na content namin, abangan niyo po yan.”

Nagbigay din ng reaksyon ang SB19 sa mga nanlalait sa kanila at sinasabing feeling K-Pop sila at walang originality. Kinokopya lang daw nila sa mga Korean artists ang kanilang style.

READ: Here’s how you can support P-pop group SB19 at the Billboard Music Awards 2021

“Nag-e-evolve naman po talaga ang fashion, nag-e-evolve ang music. Nandito na po tayo sa modern times, 2021 na po, ganu’n po talaga. Asian country po tayo so naturally po meron po tayong mga reference din galing sa Asia,” paliwanag ni Josh.

Dagdag pa niya, “Hindi po Korea ang ginagaya namin, sariling style lang po namin lahat, pati po pananamit, lahat po yan. Pati pagsulat ng kanta hindi lang po siya naka-Korean.”

“Lahat naman po ng tao sa buong mundo meron po tayong tinatawag na sense of universality. Kapag meron tayong bagay na nakikitang maganda, we take it and utilize it.

“Hindi naman po sinasabi na pangongopya or talagang kinukuha ‘yung sinasabi, kumbaga influenced po tayo ng lahat ng bagay sa buong mundo,” katwiran pa ng grupo.

“Hindi ko alam kung saan nanggagaling, saan nila napupulot ‘yung mga sinasabi nila. Kami po, kumbaga wala naman kaming ginagawang masama.

“Ginagawa lang po namin ‘yung kung saang paraan kami nag-e-enjoy at kung saan kami nag-excel sa tingin namin. Pero bakit po kailangang may mga ganu’ng salita?” dagdag ni Pablo.

Nagbigay din ng reaksyon si Stell. Aniya, “Yung mga ganu’n po, binabasa namin pero hindi naman po namin siya isinasapuso, labas din agad. Hindi naman kami nagho-hold ng grudge sa mga ganu’ng klaseng comment.

“Kasi parang wala lang din naman, eh. Kasi di ba, aanuhin yung negatibong salita niyo kung mas kilala naman namin yung sarili namin.”

Ang SB19 ay kasama sa mga nominado para sa Top Social Artist category ng Billboard Music Awards 2021. Makakalaban nila sa naturang kategorya ang na BTS at BLACKPINK.