Gloc-9, pinuri ang sakripisyo ng ina sa kanyang vlog

Araw-araw Mother’s Day para sa rapper na si Gloc-9.

BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

05/12/2021 08:21 PM
Gloc-9, pinuri ang sakripisyo ng ina sa kanyang vlog

Hindi matatapos sa isang araw ang Mother’s Day ang pagpupugay ng rapper na si Gloc-
9 para sa inang si Nanay Blesida na nagtaguyod sa kanilang magkakapatid.

Ang ina ni Gloc-9 ang nagsilbing ilaw at haligi ng tahanan habang nasa ibang bansa ang
kanilang ama na siyang OFW sa Saudi Arabia.


Sa pamamagitan ng isang Mother’s Day vlog ni Gloc-9 o Aristotle Pollisco sa tunay na
buhay, ibinahagi ng Philippines’ finest rapper kuwento nang pagsasakripisyo ng
kaniyang ina.

“Nagtayo si Nanay ng sari-sari store. Dahil kahit nasa abroad si Tatay, sapat lang ang
kinikita niya para sa pangangailangan namin kada buwan,” sambit ni Gloc-9 sa vlog.

Aniya, sa kanilang paglaki na magkakapatid, nasaksihan niya ang paghihirap at
sakripisyo ng kaniyang mga magulang na buong puso ang pagtataguyod sa kanilang
pamilya.

“Minsan may panahon na nag-iiba ang mga gastusin, kaya makikita mo 'yan si Nanay,
pumipili sa mga alahas niya para isangla,” sambit pa ng rapper.

Bilang isang anak, proud rin si Gloc-9 sa efforts ng kaniyang nanay na kumayod at
maghanap buhay para matulungan sa gastusin ang kaniyang ama na isang Overseas
Filipino Worker.

At bilang isang padre de pamilya na ngayon sa kaniyang sariling pamilya, proud rin si
Gloc-9 sa sakripisyo ng kaniyang misis na si Thea para sa kanilang sariling pamilya.

Ang aking maybahay na si Thea at si Nanay ay magkatulad ng ugali,” pagmamalaki ni
Gloc-9 sa vlog.

Patuloy niya: “Palagi nila inuuna ang kapakanan ng kanilang mga anak. Di bale nang
mawalan sila, basta meron ang mga bata.”
Sa huling bahagi ng vlog, isang mensahe para sa kaniyang ina ang iniwan ni Gloc-9.

“Maraming, maraming salamat po, Nay, sa mga pangaral na itinuro niyo sa akin at sa
aking mga kapatid. Lagi ko po itong nagagamit ngayong ako'y may sariling pamilya na.
Mahal na mahal po namin kayo,” pahayag niya.