• Home
  • Fresh Scoops
  • Isa lamang si Angeline Quinto sa mga showbiz personality na nagpositibo at naka-recover na mula sa virus.

‘Hindi po talaga biro ang COVID’: Angeline Quinto, binalikan ang laban sa virus

Isa lamang si Angeline Quinto sa mga showbiz personality na nagpositibo at naka-recover na mula sa virus.

BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

04/19/2021 07:00 PM
‘Hindi po talaga biro ang COVID’: Angeline Quinto, binalikan ang laban sa virus
Photo credit: @loveangelinequinto IG

Bago ang pagbabalik trabaho, muling binalikan ng singer na si Angeline Quinto ang kaniyang naging journey sa laban sa COVID-19.

Matatandaan na isa ang singer sa mga nagpositibo sa COVID matapos niyang mahawaan ng virus.

RELATED LINK: Angeline Quinto reveals she tested positive for COVID-19


Sa maging panayam kay Angeline ng Cinema News Home Edition, idinetalye ng singer ang tila pinakamahirap na hamon sa pakikipag laban sa COVID.

“Alam mo, hindi ko rin alam kung paano ko nakayanan ‘yun na ilang araw akong andito lang sa bahay, sa kuwarto at hindi ako puwedeng makisalamuha sa mga kasama ko dito sa sa bahay,” sambit ng singer sa panayam.

Para kay Angeline, naging isang malaking tulong sa kaniyang naging kalungkutan ang pagiging madasalin.

“Siguro ‘yung araw araw na pag-gising ko, talagang nag uumpisa akong magdasal e’. Pagbukas ng mata ko ate, nagdadasal na ako, ate. Mas umo-okay kasi ang pakiramdam ko, sa araw araw na nangyayari sa buhay ko, alam ko na hindi ko kailangan na magpunta ng hospital, so malaking bagay po ‘yun. At sa tulong rin ng mga katrabaho at mga kamag-anak ko na kumukumusta sa akin talaga at mga nagpadala ng mga gamot na kailangan ko. Siguro dahil na rin sa tulong nila, sabi ko sa sarili ko, matatapos rin ‘to, covid lang yan. Hindi ako pinalaki ng Mama Bob ko para matalo ng covid, ‘yun ang inisip ko talaga,” balik-tanaw pa ni Angeline sa naging laban sa COVID.

Sa gitna rin ng kaniyang 14 days quarantine, aminado si Angeline na isa rin sa mga naiisip niya ang namayapang ina na si Mama Bob.

“Oo naman, oo, ate. Kaya lang, ate, mas sabi ko nga sa sarili ko, buti na lang rin na wala ang mama dito. Kasi kung nag positive ako na andito ang mama, baka alam niyo ‘yun baka hindi ko alam ang gagawin ko,” ani Angeline.

 

 

Patuloy niya; “Baka mas natataranta ako noong time na ‘yun, kasi ang mama ko senior, tapos may heart condition ang Mama Bob, tapos ako pa ‘yung andito na nag positive, so mahirap. Siguro talagang nagkataon na talagang nangyari po sa akin ‘yun at si Mama ay nasa maayos na rin ngayon,” malungkot na sabi ng singer.

Unti unti man nag-rerecover mula sa naging sakit, ramdam ni Angeline ang naging pagbabago sa kaniyang katawan.

“Hindi po talaga biro ang COVID. Kasi alam mo sa akin, noong nag quarantine ako dito, ang una pong nagyari sa akin noon bago ako nag test na nag positive ako, nagkaroon po ako ng diarrhea, Tapos dalawang gabi po akong nilagnat so hindi ko naman naisip na simptomas na po pala ‘yun ng COVID. Tapos noong nag positive ako two days lang, nawalan ako nang panlasa, nawalan ako ng pang-amoy.. o my god, ito na yung sinasabi ng mga kilala ko na nagpositive din, ang tagal honestly ngayon. Parang hindi pa rin siya ganun totally na bumabalik ang panlasa ko, meron na pero hindi tulad dati,” kuwento pa ni Angeline.

At ngayong road to recovery, aminado si Angeline na mas nagiging maingat siya ngayon, hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi sa mga taong kaniyang nakakasalumuha.

“Alam ko naman at inaamin ko naman sa sarili ko na siguro talagang napabayaan ko ‘yung sarili ko noong mga panahon na ‘yun. Kasi sa totoo lang, kasi di ba kailangan talaga natin na everyday mag take ng vitamins mga maintenance na kailangan natin. Sa tuwing nauubusan ako ng vitamins, minsan tinatamad na ako magpabili so ‘yung nangyari noon, parang ilang linggo rin ako hindi nakapag take ng vitamins at na realize ko lahat yan noong nag positive ako. Sabi ko ‘yun pala ang naging pagkukulang ko sa sarili ko. Ang hilig hilig ko magsabi sa iba na ‘uy mag ingat ka ha, ingatan mo ang pamilya mo, may nanay ka doon wag kang labas ng labas’ tapos ako ‘yung nagkaroon ng covid,” pahayag ng singer.

Sa ngayon, unti unti nang nagbabalik-trabaho si Angeline matapos ang pinagdaanang sakit.