• Home
  • Fresh Scoops
  • Iwa Moto, kinailangan ang tulong ng dalawang psychiatrist at tatlong psychologist para ma-address ang kanyang problema sa mental health.

Iwa Moto on dealing with mental health problems: ‘Nakakaubos ng pagkatao’

Iwa Moto, kinailangan ang tulong ng dalawang psychiatrist at tatlong psychologist para ma-address ang kanyang problema sa mental health.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

04/17/2021 12:35 PM
Iwa Moto on dealing with mental health problems: ‘Nakakaubos ng pagkatao’
Photo credit: @iam_iwa Instagram

Sa isang television interview ay ipinagtapat ni Iwa Moto, partner ni Pampi Lacson, na kinailangan niya ang tulong ng dalawang psychiatrist at tatlong psychologist para ma-address ang kanyang problema sa mental health.

Matindi raw ang kanyang pinagdaanan at nahirapan siya kung paano ito mapagtagumpayan kaya minabuti na niyang hingin ang tulong ng propesyunal na maiintindhan ang kanyang kalagayan.

Aminado rin ang dating aktres na ang pagkakaroon niya ng mental health problem ang itinuturing niyang pinakamabigat na pagsubok na dumating sa buhay niya. Ayon pa sa kanya, ang dahilan kung bakit nakakaramdam siya noon ng anxiety at matinding kalungkutan ay dahil sa pagpanaw ng kanyang ama noong 2009. Nakadagdag na rin daw dito ang naging paghihiwalay nila ng dati niyang asawa.


Lahad ni Iwa, “Dati kasi rather than harapin ko yung problema ko, I run away. Kasi nakakapagod, nakaka-stress, nakakaubos ng pagkatao.”

Dagdag pa ni Iwa, hindi niya pinapansin noon ang mga symptoms ng kanyang nararamdaman.

“Nagba-blackout na ako na hindi ko alam ang ginagawa ko. Bago nila ako nabigyan ng findings, it took me two psychiatrists and three psychologists para lang ma-confirm what was the real problem,” kuwento niya.

Na-diagnose na merong bipolar disorder with severe panic attack at post traumatic disorder si Iwa. Pero pagkatapos ng regular na konsultasyon sa psychiatrist at psychologist ay naging okey na raw ang kanyang kondisyon.

Isa rin daw sa nakatulong ng malaki sa kanyang healing process ay ang pagpapatawad sa mga taong nagkasala sa kanya para na rin sa kanyang kapayapaan.

I’m not saying I’m perfect. I am far from being perfect but I am better right now,” wika pa niya.

Samantala, payo ni Iwa sa mga taong nakararanas ng mental condition na pinagdaanan niya na humingi ng tulong sa mga eksperto at propesyonal. Malaking tulong din daw na huwag mahiyang makipag-usap sa mga kapamilya.