• Home
  • Fresh Scoops
  • Nagsampa na ng kaso si Anthony Taberna laban sa mga taong sangkot sa pagkawala ng kanyang pera.

Anthony Taberna, nagsampa ng kaso laban sa nagnakaw sa kanya ng 15 milyong piso

Nagsampa na ng kaso si Anthony Taberna laban sa mga taong sangkot sa pagkawala ng kanyang pera.

BY
PUSH TEAM

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

04/15/2021 01:30 PM
Anthony Taberna, nagsampa ng kaso laban sa nagnakaw sa kanya ng 15 milyong piso
Photo Credit: @iamtunying28 Instagram

Pormal nang naghain ng kasong qualified theft ang batikang brodkaster na si Anthony Taberna laban sa dating pinagkakatiwalaan na finance chief nito at sa manager ng isang branch ng bangko na umano’y tumangay sa pera niyang nagkakahalaga ng mahigit 15 milyong piso. 

 

 

Base sa ulat ng Inquirer, nagtungo sa Quezon City Prosecutor’s Office si Anthony Taberna nitong Miyerkules, Abril 14, upang magsampa ng kaso laban kina Ernie Patrick Aquino na dating Finance at Administrative Head ng A. Taberna Foods. Kabilang din sa kanyang sinampahan ng kaso anga bank branch manager ng bangko na pinagbuksan ng account si Gualberto Baluyot II matapos ilipat ang 15.38 milyong piso sa personal na bank account ni Ernie Patrick. 

READ: Anthony Taberna, ninakawan ng taong pinagkakatiwalaan

Sinabi umano ng dating pinagkakatiwalaan ni Ka Tunying na maayos ang takbo ng kanilang negosyo hanggang sa nalaman ng komentarista Nobyembre noong nakaraang taon na talbog ang cheke na inisyu sa kanya. 

Bagama’t wala umanong pahintulot mula sa board ng kanyang kumpanya, nagbukas ng pitong iba’t-ibang bank accounts ayon sa isang auditing firm na kanyang kinuha upang mag-imbestiga sa pagpapatakbo ng kanyang kumpanya. 

“In the last week of November 2020, several checks issued by A. Taberna Foods to suppliers were dishonored despite the supposed availability of funds. Upon inquiry with (the bank), the company discovered that respondent Aquino was able to open seven other bank accounts under the name of Taberna Foods,” saad ni Taberna sa kanyang inihaing reklamo.

 

 

Base sa pahayag ni Anthony, tila planado ang lahat dahil mismong si Ernie Patrick umano ang nagkumbinse sa kanya na magbukas ng account sa nasabing bangko sa kadahilanang makakatulong si Gualberto. 

Unang isiniwalat ni Ka Tunying ang tungkol sa kanyang naging karanasan sa isang panayam sa programang Magandang Buhay.