• Home
  • Fresh Scoops
  • Billy Crawford, minsang binalak na mangibang bansa nung ipasara ng Kongreso ang ABS-CBN.

Billy Crawford aminadong mas lalong sumisipag dahil kay Baby Amari

Billy Crawford, minsang binalak na mangibang bansa nung ipasara ng Kongreso ang ABS-CBN.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

03/07/2021 04:27 PM
Billy Crawford aminadong mas lalong sumisipag dahil kay Baby Amari
Photo credit: @billycrawford Instagram

Binalak ng mag-asawang Billy Crawford at Coleen Garcia na umalis na lang ng Pilipinas simula nung ipasara ng Kongreso ang ABS-CBN na kapwa nila pinagtatrabahuhan. Ito ang inamin ng former It’s Showtime at Your Face Sounds Familiar host sa ginanap na virtual presscon ng TV5 para sa The Wall Philippines ng Viva Entertainment.

Mas lalo pa raw tumindi ang kanilang pangamba kung ano ang ikabubuhay nila nung dumating ang pandemya dahil sa COVID-19 health crisis.

Ani Billy, “Nung nawalan kami ng trabaho after ABS-CBN, medyo parang at one point… alam mo, may mga times na nag-uusap kaming mag-asawa na, ‘Anong gagawin natin? Iwan na lang ba natin lahat, tapos lipat na lang tayo ng ibang bansa?’


“May mga tipong life decisions na kailangang gawin. Kasi, hindi madali mag-outlook o magtanaw ng positivity sa lahat na negative na nangyayari sa paligid mo.”

Aminado rin si Billy na talagang iniyakan nilang mag-asawa ang pagsasara ng TV network. Nagkaganun man ay hindi raw sila nawala ng pananalig nila sa Diyos na malalampasan din nila ang pagsubok.

“Ang number one na natutunan namin is nagtiwala kami sa Panginoon. Nagdasal kami nang todo-todo at iniyakan naming pamilya kung ano talaga ang kailangan naming gawin,” kuwento ni Billy.

Patuloy pa ng Viva artist, “And we are slowly climbing that wall and, until now, kahit anong mangyari. I’m just really thankful na meron akong blessing. Meron akong mga shows sa TV5.

“Kumbaga, dito ko tinanim yung sinabi sa akin ng tatay ko na there’s no such things as problems. Kasi lahat ng problema, may solusyon. Hanggang ngayon, tinanim ko pa rin iyon sa puso at sa isip ko.

“Kaya no matter what pandemic season there is or coming or dealing, ang pinakaimportante is we have to look forward and we have to do what’s right for our family. Kaya nandito pa rin po ako.

“I’m happy na alam mong nakakangiti ako paggising natin sa umaga. Hindi tayo napapakamot sa ulo kung ano ang gagawin ko bukas, ano ang gagawin ko next week? I have a lot of things to do. Alam mo yung drive, lalo na’t nandiyan ang anak namin ni Coleen, mas lalo kaming sumisipag,” lahad pa ni Billy.

Samantala, during the virtual presscon ni Billy ay saglit niyang ipinakita sa zoom si Baby Amari na ayon sa kanya ay ang pinakamagandang nangyari sa buhay nila ni Coleen ngayong pandemic.