• Home
  • Fresh Scoops
  • Sumasailalim daw ngayon sa therapy si Marion Aunor dahil sa naranasan na pambabastos.

Marion Aunor biktima ng pervert driver; Lala halos madurog ang puso sa sinapit ng anak

Sumasailalim daw ngayon sa therapy si Marion Aunor dahil sa naranasan na pambabastos.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

03/27/2021 03:29 PM
Marion Aunor biktima ng pervert driver; Lala halos madurog ang puso sa sinapit ng anak
Photo Credit: @marionaunor and @lala_aunor Instagram

Halos madurog ang puso ni Maribel Aunor (a.k.a Lala Aunor), sikat na member noon ng grupong Apat Na Sikat sa pinagdaanan ng anak na singer na si Marion Aunor sa syuting ng pelikulang Revirginized ng Viva Films.

Kasama si Marion sa syuting ng pelikulang pinagbibidahan ni Sharon Cuneta sa Subic at doon diumano nangyari ang insidente ng pambabastos ng driver ng Viva sa kanyang anak.

 


 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Marion Aunor (@marionaunor)

 

“Hindi ko na-imagine na mangyayari kay Marion iyon, kasi alam ko alaga naman at di pababayaan ng Viva ang mga artists nila,” malungkot na pahayag ni Lala.

May eksena kasi sa pelikula na kailangang mag-drive ng van si Marion, pero dahil manual ito (sanay kasi si Marion sa automatic car) kaya tinuruan siya ng nasabing driver. Dito na raw nagsimulang mag-take advantage ang naturang driver. Hindi naman idinetalye ni Lala ang eksaktong ginawa sa anak niya ng driver.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Marion Aunor (@marionaunor)

 

Kuwento ni Lala, “Kasi noong sinundo ko si Marion sa studio ng Viva, madaling araw na yun ng March 9, nakita ko malungkot siya, parang naiiyak.

“Sabi ko, parang di siya masaya, katatapos lang ng shoot nila. Sa phone may nasabi na siya sa akin, pero di ko naman alam na ganoon kagrabe, affected siya.”

Patuloy na kuwento ng ina ni Marion, “Nasabi lang niya na naiinis siya sa driver kasi pervert nga raw yung nagturo sa kanyang mag-drive ng manual. Noong una okay naman, malayo (yung space) naman magturo, pero marunong naman si Marion ng manual transmission. Ni-review lang niya, kasi natakot siya dahil vintage na yung Volkswagen na van.

“Nung magkita na kami, nung umuwi na siya, iyak na siya nang iyak sa kotse. Kaming dalawa lang kasi noon, kasi ako lang sumundo sa kanya at di na ako nagpa-drive pa.

“May nagsabi pa raw na kandungin na lang si Marion, eh, samantalang na-drive na nga niya at no need na turuan pa siya. Bastos talaga!” himutok ni Lala.

Kasama din daw nila sa van si Sharon do’n sa eksena kaya hindi na lang kumibo si Marion sa pambabastos ng driver dahil mag-uumpisa na ang shoot.

“Sa loob niya, sobrang naiiyak na siya. Tumabi pa yata sa loob ng driver’s seat noong shoot na yung driver at siya pa daw ang umaapak sa accelerator kahit marunong naman si Marion mag-drive.

“Kaya di niya maintindihan kung bakit kailangang nandoon pa yung driver sa loob ng van at nakatago. Mas delikado pa nga raw yung ginawa ng driver kasi lalong di makokontrol ni Marion ang pagpapatakbo,” pagbabahagi ni Lala mula sa kuwento ni Marion sa kanya.

Ikinalungkot din ni Lala na wala siyang nagawa para i-comfort ang anak dahil hindi naman siya kasama sa syuting.

Aniya, “Masakit sa akin ang nangyari kay Marion kasi wala ako roon dahil bawal ang may companion dahil pandemic.”

Sumasailalim na rin daw ngayon sa therapy si Marion dahil na-trauma ito sa nangyari. Kapag nakakakita raw kasi ng mga driver na malaki ang tiyan na parang siga-siga ay natatakot at umiiwas na ito kaagad.

“Ayaw nang mapag-usapan ni Marion yung incident, kaya sa therapist na lang siya nagsasabi lahat and every after session niya, lalabas siya sa room, namamaga ang mata sa kakaiyak. Kaya doon ako naaawa sa anak ko,” sambit ni Lala.

Kinausap naman agad ng Viva boss na si Vic del Rosario si Marion at pinaiimbestigahan na daw ang nangyari.

“Mabait si Boss Vic kay Marion. Marami nga siyang project sa kanya this year. Siguro naman naaksiyonan na nila yung driver na iyan,” huling pahayag ni Lala.