Hindi inasahan ni Toni Gonzaga na tatagal ang karera niya sa ABS-CBN nang 20 na taon.
Sa panayam ni Boy Abunda para sa isang special episode ng kanyang online talk show na I Feel U, binalikan ng actress-host ang kanyang mga pinagdaanang pagsubok noong nagsisimula pa lamang siya sa istasyon.
"Unang lipat ko sa ABS, kaya ako emotional, kasi I got so many comments and statements na, ‘Malalaos na ‘yan. Hindi pa man din sisikat, malalaos na ‘yan. Ambisyosa siya,'" ani Toni.
Kuwento pa ni Toni, pilit siyang ikinikumpara kina Kristine Hermosa at Claudine Barretto na nangunguna sa network noon.
BASAHIN: ‘Fight fair’: Claudine Barretto blasts Raymart Santiago anew
Dahil dito, nagsumikap umano si Toni na mag-ipon, sa pagaakalang maikli lamang ang magiging karera niya sa istasyon.
“Nung lumipat ako, sabi ko mag-iipon ako. For one year ‘yun. Wala ng ibang offer sa other network. Ninamnam ko ‘yun lahat kasi one year lang ako,” aniya.
Ngunit nagpatuloy ang karera ni Toni sa ABS-CBN matapos niyang bumida sa mga pelikulang D'Anothers and You Are the One. Nakapaglabas din siya ng album at hit singles gaya ng “We Belong” at "Catch Me I'm Falling."
Bukod sa pagiging aktres ay kinilala rin si Toni bilang host nang maging parte siya ng mga palabas na Wazzup Wazzup, ASAP, at Pinoy Big Brother.
Sa ngayon ay napapanood si Toni sa I Feel U tuwing Linggo ng gabi sa digital platforms na ABS-CBN Films, ABS-CBN Music, at TFC.
Nakatakda ring siyang bumida sa inaabangang Pinoy adaptation ng sikat na Korean romantic-comedy na My Sassy Girl kasama si Pepe Herrera.
BASAHIN: Pepe Herrera is Toni Gonzaga’s leading man in ‘My Sassy Girl’
Mapapanood ang buong panayam ni Toni sa I Feel U sa darating na Abril 28.