• Home
  • Fresh Scoops
  • Sa panayam ni DJ Jhai Ho para sa ‘Hotspot,’ ibinahagi rin ni Maricel Soriano ang pinaka-hindi niya malilimutang eksena sa serye.

Maricel Soriano, ibinahagi ang mga natutunan sa ‘Ang Sa Iyo Ay Akin’

Sa panayam ni DJ Jhai Ho para sa ‘Hotspot,’ ibinahagi rin ni Maricel Soriano ang pinaka-hindi niya malilimutang eksena sa serye.

BY
PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

03/19/2021 11:36 AM
Maricel Soriano, ibinahagi ang mga natutunan sa ‘Ang Sa Iyo Ay Akin’

Aminado ang batikang aktres na si Maricel Soriano na mami-miss niya ang mga nakasamang artista sa seryeng Ang Sa Iyo Ay Akin.

“Sobra kong mami-miss lahat kasi... parang anak ko silang lahat," ani Maricel sa panayam ni DJ Jhai Ho para sa Hotspot nitong Huwebes, Marso 18.


"Kaya masayang masaya ako dahil, ‘pag sinabi kong, ‘Oh, quiet na. Children quiet.’ Parang ngang principal ang dating, eh. Ganun kami. Kaya mami-miss ko talaga sila lahat. Mami-miss ko lahat ‘yung mga anak-anakan ko."

Ayon kay Maricel, masuwerte siya sa kanyang mga naging kasamahan sa serye na sina Jodi Sta. Maria, Iza Calzado, Sam Milby, at Joseph Marco. 

“Fabulous lahat sila," aniya. "Napaka-blessed ko sa mga batang ito na naging anak-anakan ko. Sobra silang mababait at sobra silang magagaling.

"Imagine-in mo, si Sam, tuwang tuwa ako dahil ang ganda ng rehistro niya sa screen. Tapos kapag nandoon ako, ‘Sasabihin niya, tulungan mo ‘ko ‘nay.’ ‘Oo, anak.’ Andoon ako, hindi ako umaalis talaga hangga’t hindi niya nakukuha ‘yung tama. Kaya tuwang tuwa ako kay Sam. Baby boy ko si Sam," dagdag pa niya.

BASAHIN: Maricel Soriano describes ‘Ang Sa Iyo Ay Akin’ actors as ‘professional and very punctual’

Sa panayam, ibinahagi rin ni Maricel na gumanap bilang si Aling Lucing ang pinaka-hindi niya malilimutang eksena sa serye.

“Alam mo kung saan ako sakit na sakit? ‘Yung kapag si Marissa (Jodi), sinasaktan ko. Kasi ‘di ba marami akong hindi alam, hindi alam ni Nanay Lucing eh. So si Marissa, hindi naman niya nasasabi lahat sa nanay niya kaagad. Kaya lalong ang sakit sakit nung kalooban nung bata kasi hindi na nga alam ng nanay niya ‘yung nangyari sa kanya, tapos pinapagalitan pa siya ng nanay niya. ‘Yung ganun. Kaya durog durog ‘yung puso ko doon eh, kapag sasaktan ko na si Marissa," pahayag ni Maricel.

Nang matanong naman kung ano ang natutunan niya sa kanyang karakter sa Ang Sa Iyo Ay Akin, sinabi ng tinaguriang Diamond Star, “Alam mo, ang natutunan ko rito bilang si Nanay Lucing, ayaw niya kasi na may masasaktan. ‘Yan ang character ni Nanay Lucing. Gusto niyang pagtakpan lahat para ‘wag nang lumaki ang gulo.

"Ako actually, sang-ayon ako doon sa ano ni Nanay Lucing na lahat ng bagay pwedeng pag-usapan. Kung willing lang both parties pag-usapan ‘yun para hindi lumalaki. Kasi alam niyo, ang hirap nang may bitbit na mabigat sa buhay."

Sinusundan ng Ang Sa Iyo Ay Akin ang alitan sa pagitan ng dating magkaibigang sina Marissa Pineda (Jodi) at Ellice Ceñidoza (Iza).

Matapos ang pitong buwan, magtatapos na ang serye sa Biyernes, Marso 19, pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z Channel 11 at TV5.