• Home
  • Fresh Scoops
  • Katrina Halili nag-i-enjoy sa pamumulot ng itlog ng mga alagang manok sa Palawan.

EXCLUSIVE: BUHAY PROBINSIYA: Katrina Halili, masaya sa simpleng buhay niya ngayon sa probinsya

Katrina Halili nag-i-enjoy sa pamumulot ng itlog ng mga alagang manok sa Palawan.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

03/13/2021 03:41 PM
EXCLUSIVE: BUHAY PROBINSIYA: Katrina Halili, masaya sa simpleng buhay niya ngayon sa probinsya

Nag-i-enjoy nang husto si Katrina Halili sa kanyang buhay sa probinsya. Naka-base na sa El Nido, Palawan ang aktres at ang anak niyang si Katie, 8 years old, mula pa noong December 2020 at nagta-travel na lang siya pabalik ng Maynila kapag may syuting, taping at showbiz commitments siyang kailangang puntahan.

“Masarap ang buhay probinsya kasi puwede kang magtanim. May mga alaga akong manok do’n. Namumulot ako ng mga organic eggs sa umaga kasi nangingitlog sila mga 9-10 ng umaga tapos sa hapon mangungulekta ako ulit,” masayang kuwento ni Katrina nang makausap siya ng PUSH sa presscon ng pelikulang AbeNida ng

BG Productions International na ididirek ni Louie Ignacio.


Patuloy ni Katrina, “Fresh din ang gulay, nagtatanim din ako ng mga herbs pero yung maliliit lang ha, pangkain lang namin. Mas fresh din ang hangin kasi malapit lang kami sa beach.

“Pag gising ko ng umaga magluluto ako ng breakfast ni Katie at mangungulekta ako ng itlog ng mga alaga kong manok. Tapos magti-trim ako ng patay na dahon ng herbs ko kasi pag may patay na dahon daw dapat tanggalin para hindi nakakahawa. Yon ang trip ko sa probinsya – magluto and mag-bake,” kuwento ni Katrina kung paano niya pinapalipas ang buong maghapon sa Palawan.

Ayon pa sa bida ng AbeNida, mas matipid din daw mamuhay sa Palawan kesa dito sa Maynila.

“Napakasimple din ng buhay namin do’n kasi hindi masyadong magastos. Yung mga alaga kong manok puwede mong katayin tapos fresh pa, organic, walang chemical. Dito sa Maynila, magastos. Walang libre,” lahad niyang natatawa.

May nabiling bahay noon si Katrina sa New Manila, Quezon City pero hindi raw niya ito ibinenta kahit nasa Palawan na silang mag-ina.

“Do’n ako umuuwi kapag nandito ako sa Manila. Natakot lang ako nung lockdown kasi may bata, andu’n si Katie kaya inuwi ko siya ng Palawan nung October, don sa parents ko.

At least sa El Nido, sa parents ko naiiwan si Kate. Unlike nung nasa Manila pa siya na sa yaya lang. Mas happy ako ngayon kasi naiiwan ko yung anak ko sa family ko. 

“Nag-i-enjoy din si Katie sa probinsiya kasi dito, yaya lang yung kasama niya tapos hindi rin siya nakikipaglaro sa mga kapitbahay – routine lang siya diyan. Sa Palawan free siya, punta siya sa beach, naglalakad-lakad siya don, okey naman,” pahayag pa ni Katrina.

Ibinahagi rin sa PUSH ni Katrina ang pagiging praning niya bilang nanay nung nagsimula ang lockdown dahil sa COVID-19.

“Dati po, nung unang lockdown natin praning talaga ako. Hindi kami lumalabas, lalabas lang ako para mag-grocery at naka-PPE ako, tapos may hood pa ako, takip na takip talaga yung mukha ko kasi takot na takot talaga ako,” natatawa niyang pagre-recall.

“Tapos pag-uwi huhubadin ko yon lahat sa labas, tapos super spray ng alcohol, ligo, ganyan. Pero ngayon, wala na  rin po kasing bata, eh, dati kasi takot ako kasi may bata nga sa bahay. Ngayon nag-iingat pa rin naman ako,” huling pahayag ni Katrina sa PUSH .