• Home
  • Fresh Scoops
  • Malaking bagay para kay ‘Carrot Man’ Jeyrick Sigmaton na mapakita ang galing ng mga Igorot sa international stage.

‘Carrot Man’ Jeyrick Sigmaton, hindi inaasahan na mananalo ng acting award

Malaking bagay para kay ‘Carrot Man’ Jeyrick Sigmaton na mapakita ang galing ng mga Igorot sa international stage.

‘Carrot Man’ Jeyrick Sigmaton, hindi inaasahan na mananalo ng acting award-Leo Bukas
BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/04/2021 04:11 PM
‘Carrot Man’ Jeyrick Sigmaton, hindi inaasahan na mananalo ng acting award

Award-winning actor na ang tinaguriang Carrot Man na si Jeyrick Sigmaton in real life na proud Igorot. Nanalo siya kamakailan lang ng best actor sa International Film Festival Manhattan 2021 para pelikulang Dayas sa Short Film category. Binigyan din siya ng Dangal ng Lahi Award sa ginanap na awarding ceremony noong November 27, 2021 sa grand ballroom ng Okada Hotel.

“Nung una nga po hindi ako makapaniwala, pero nung nakita ko talaga na totoo pala kasi nag-scroll-scroll din ako, panalo pala tayo talaga.

“Nagulat ako talaga kasi hindi ko naman inaasahan na magkakaroon ako ng ganung award tapos international pa siya,” excited na pahayag ni Jeyrick sa Push sa isang virtual interview.


“Masaya ako, nakalimutan ko nga kung ano yung ginagawa ko that time. Tapos ang isa pa do’n naghintay tayo ng matagal.

“Malaking bagay po ito sa akin at sa kapwa namin mga Igorota na ipakita po yung talento namin sa buong mundo. Wala pong imposible, basta kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan,” reaksyon pa niya. 

READ: ‘Carrot Man’ Jeyrick Sigmaton, wagi bilang best actor sa isang festival sa New York

Tinanggap ni Jeyrick ang Dayas na ginawa habang panahon ng pandemya dahil na-excite siya sa kanyang role at gusto rin niya ang kuwento ng pelikula. 

“Hindi lang po yon yung offer na dumating sa akin na gumawa ng movie. Pero ito yung pinaka-the best kasi true to life story siya.

“Lahat po ng gumana dito sa Dayas ay mga pure blooded Igorot po na kagaya ko. Igorot po kaming lahat. Yung direktor namin gusto niyang ipunin lahat yung mga Igorota na may mga talento para ipakita sa buong mundo na kaya rin naming gumawa ng pelikula,” lahad pa niya.

Na-discover si Jeyrick sa Benguet noong 2016 nung may kumuha ng kanyang mga photos at ipinost ito sa social media.

Kuwento ng model-turned-actor, “Nag-gardening kami sa Benguet kung saan nanggagaling yung mga patatas, carrots, at lahat ng mga klase ng gulay, so yon ang trabaho namin. And then one day may mga dumaan na bisita and they took a photo of me and pinost sa social media pero hindi ko alam yon. Don nagsimula ang lahat hanggang ito na nga, showbiz life, yon po yung pinagbago no’n.

“Pero kahit na ganun, ang masasabi ko lang ay hindi po nagbago lahat. May mga nakasanayan din ako na binabalik-balikan ko.

“Actually, si Jeyrick nami-miss niya yung buhay niya dati. Pero pa si Carrot Man, sa limang taon na nando’n, okey lang yon. Pero yung si Jeyrick, siyempre kailangan din nating umuwi-uwi, di ba? So, may simpleng buhay din si Jeyrick Sigmaton. So, dalawang tao po yan. Pag naka-on po yung kamera yon po si Carrot Man. Kung naka-off po yung camera yon po si Jeyrick Sigmaton,” paliwanag ng binata.

Wala namang masabi si Carrot Man kung ano ang kanyang dream role.

“Wala, eh. Basta okey yung story try nating gawin. Pero sa dream role parang wala, eh. Basta kayang gawin, yon lang,” sambit niya.

Eh, dream leading lady o gustong makatrabaho, meron ba?

“Kung papalarin lang naman, gusto ko si Ivana. Why not? Shout out sa ‘yo Ms. Ivana Alawi,” kinilig niyang pahayag.

Papayag din daw siyang magpaseksi sa pelikula basta si Ivana ang kapareha.

May paliwanag din si Carrot Man sa mga nag-aakalang nawala na siya sa showbiz.

“Actually, si Carrot Man po ay hindi nawawala. Andito lang po siya, hanapin n’yo na lang po kung saan siya,” natatawang biro niya.

“Ganito po yan kasi, alam n’yo pandemic ngayon, so mahirap pong magbiyahe-biyahe mula sa Baguio palabas. Wala rin po tayong ginawa sa showbiz, wala po tayong ginawa dahil nga po sa COVID-19 na ito, di ba, so tumahimik muna tayo. Binalikan ko yung Jeyrick Sigmaton life, yung simpleng buhay lang. 

“Nung nawala po ako ng mga ilang buwan, umuwi po ako sa amin. Pero at least, nagawa namin yung Dayas,” kuwento ni Jeyrick.

Meanwhile, short film Dayas is a brainchild and passion project of producer and director Jennylyn Delos Santos. This is also her tribute to all the victims and the bereaved families of the Ompong Tragedy that saddened the Cordillera community of Itogon, Benguet.

Most recently, Dayas was selected as a finalist in the International Film Festival Manhattan 2021 in New York City, USA, kung saan nanalo ngang Best Actor si Carrot Man.