• Home
  • Fresh Scoops
  • McCoy de Leon: ‘Sobrang dami ng magagandang nangyari sa akin sa 2021.’

McCoy de Leon tinawag na ‘surprising’ ang kanyang 2021

McCoy de Leon: ‘Sobrang dami ng magagandang nangyari sa akin sa 2021.’

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/23/2021 02:54 PM
McCoy de Leon tinawag na ‘surprising’ ang kanyang 2021
Photo credits to @mccoydeleon on Instagram

“Surprising” kung ilarawan ni McCoy de Leon ang taong 2021.

“Ang 2021 ko ay sobrang surprising. Ang daming surprise na hindi ko akalain,” pagtatapat niya sa interbyu ng PUSH.

“Una na diyan siyempre yung pagiging father ko. Imagine, may anak na ako na ang ganda-ganda. Oo, isang napakalaking responsibilidad pero sobrang saya ko.


“Tapos napunta din ako sa Viva at nagkaroon pa ng chance na mag-portray ng isang true-to-life character sa pelikula. Sobrang dami ng magagandang nangyari sa akin sa 2021,” masayang pahayag ni McCoy.

Ibinahagi rin ng aktor sa amin kung ano ang plano niya para sa 2022.

Lahad niya, “Marami, marami akong plano. Unang-una na ang gumawa pa ng pelikula. Pangalawa po, meron akong YouTube (channel) kasi, nag-short film-short film ako, so baka susubukan kong mag-try na kumuha naman ng ibang cast. Gusto ko ring magkaroon pa sana ng isang business.”

McCoy de Leon at Elisse Joson, hindi nagmamadaling magpakasal

Malaki rin ang posibilidad na makatrabaho ni McCoy sa 2022 ang ibang aktres ng Viva tulad nina Julia Barretto at Yassi Pressman.

“Actually, kami-meeting ko lang with Boss Vic (del Rosario ng Viva) at Ms. Veronique. Mayroong pagbabago, hindi ko lang siguro malalatag yon, pero nakakatuwa kasi mas alam ko ang magiging path ko. Hopefully, next year malatag na, magawa ko nang maayos,” excited niyang pahayag.

Ayon pa kay McCoy ay handa na siya sa 2022 dahil nakapag-adjust na siya kahit papaano sa pagkakaroon ng pamilya.

“Siguro nahirapan lang ako noon kasi may kasama ako sa bahay, ang hirap ding lumabas-labas nung time na yon. Kaya ngayon, pagpupursigihan kong gumawa ng pelikula. Ang sarap gumawa ng pelikula lalo na pag makabuluhan.

“Nakakalungkot lang na may mga na-turn down akong projects noon kasi di ko talaga magagawa nang maayos. Pero heto, nakakatuwa na may gagawin akong ngayon, hindi ko lang mababanggit.

“May mga binanggit sa akin, pero yung next kong gagawin secret muna, kumbaga surprise. Like I’ve said before, mas malinaw na sa akin yung path na tatahakin ko kaya thankful ako sa Viva,” wika pa niya.

McCoy de Leon proud of his acting in a musical film: ‘Achievement yun para sa akin’

Si McCoy ang bida sa musical film na Yorme: The Isko Domagoso Story kung saan kailangan niyang kantahin ang maraming linya sa pelikula. Nang mapanood ito ng aktor ay na-inspire siyang mag-voice lesson at mag-aral pang kumanta.

“Sana naging singer ako nung pinanganak ako para mas maganda,” nakangiti niyang sabi. “Sana soon madagdagan yung alam ko sa pagkanta para pag may musical uli, ready na talaga ako. Hehehe!

“Gagawin ko talaga yon nang maayos lalo na yung boses ko. May mga parts na hindi talaga ako masyadong… pero may ginawa si Direk Joven (Tan) para maging boses ko,” diin pa niya.

Samantala, may reaksyon din si McCoy sa naudlot na pagpapalabas ng kanyang pelikula na originally ay naka-schedule noong December pero na-move sa January 26, 2022.

Aniya, “Baka mayroong rason, mayroon din kasing tinatawag na timing. Sa akin naman, ang importante sana magustuhan ng mga tao ang pinaghirapan ng lahat, ni Direk Joven, ni Ms. Edith (Fider, producer ng Saranggola Media), ng Viva of course.

“Yon lang naman sa akin, kahit naman anong date yan basta magustuhan ng mga tao. Sana, sana.”