• Home
  • Fresh Scoops
  • Trending ngayon sa social media ang isang pari na nangasiwa sa kasal ng kanyang dating girlfriend at asawa nito.

TRENDING: Pari, nagbigay ng homily sa kasal ng ex-girlfriend

Trending ngayon sa social media ang isang pari na nangasiwa sa kasal ng kanyang dating girlfriend at asawa nito.

BY
Leah Bueno

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

12/16/2021 10:30 AM
TRENDING: Pari, nagbigay ng homily sa kasal ng ex-girlfriend
Photo credits to @Hook Ph Surprise Facebook

Trending ngayon sa social media ang isang pari na nangasiwa sa kasal ng kanyang dating girlfriend at asawa nito sa isang simbahan sa Lipa, Batangas nitong Sabado, Disyembre 11.

Sa Facebook, nag-viral ang video ni Fr. Roniel Sulit ng Parish of Sto. Nino de Lipa kung saan inamin nito sa kanyang homily na ang babae na ikinakasal na si Maria Korina ay dati niyang nobya.

"Ako'y kinakabahan. Ang dami ko na hong naikasal pero [ngayon] ako'y nanginginig. Tingnan niyo, ako'y pawis na pawis na," natatawang sabi ng pari. "Kasi po si Korina... si Korina ho ay aking ex."


"Nakakahiya, live pa naman tayo... Okay, itigil ang kasal! [Joke], hindi ako sisigaw nang ganun."

Kwento ni Fr. Sulit, na isa ring vlogger, noong araw na na-engage ang kanyang ex ay nag-message ito sa kanya sa Facebook para banggitin ang isang request.

"Bago ang araw na ito nag-message sa akin si Korina sa Messenger. Nung sila'y nag-engage ni Manuel (groom)—ayan kinakabahan na siya, kitang kita niyo—nagpadala sa akin ng picture si Korina ng singsing. At ang kanyang sabi, 'Father, may content ka na sa vlog mo'. Kasi vina-vlog ko po itong kasal ni Korina. Ako po ay nagva-vlog, kasama po ito," aniya.

"[Bukod sa] i-content ko 'yung kanyang kasal, nag-request din ho siya sa akin ng gospel. Ito ho ay espesyal na gospel, pinili niya, The Wedding at Cana."

Sa kanyang homily, nabanggit ni Fr. Sulit na una silang nagkakilala ni Korina sa simbahan.

"Alam ko ay pareho kayong madasalin. Si Korina ay matagal 'yan naglilingkod sa simbahan. Kaya nga kami nagkakilala," aniya.

"Pero wala na 'yun, ano. Si Manuel ang kanyang papakasalan sa araw na ito."

Giit ng pari: "The past is past."

"'Yun ay matagal na. Ngayon naman ay may kanya-kanya na kaming buhay. Ako'y pari na, at ngayong araw na ito, si Korina ay ikakasal na," aniya.

BASAHIN: VIRAL: Mga litrato ng isang Pinoy kasama sina Justin Bieber at asawa nito na si Hailey Baldwin

Bagamat aminadong kinakabahan, bakas pa rin ang saya sa mukha ni Fr. Sulit habang naghahatid ng homily sa kasal ng ex at sa mapapangasawa nito.

"Kanina tinatanong ko si Korina, 'Ikaw ba'y masaya sa araw ng iyong kasal?' Ang sabi niya ay masayang masaya siya, kasi ramdam niya nang dumating sa buhay niya si Manuel ay 'yun ang paggalaw ng Diyos," kwento ng pari.

"At nang in-interview naman si Manuel ni Father Mike, ang sabi ni Manuel ay si Korina raw ang kanyang lucky charm. Kasi mula nung dumating si Korina ay parang umayos nang umayos ang kanyang posisyon sa kumpanya, at naging maayos ang kanyang buhay."

READ: TRENDING: Twins Jollibee and Mcdonald Pangindian graduate from Senior High School

Sa huli, sinabi ng pari na hiling niya ang masaya at maayos na buhay mag-asawa.

"Sana maging maayos, maging masaya, maging matiwasay ang iyong buhay mag-asawa. Alam kong masaya kayo sa isa't isa. Alam ko 'yan. Ang aking hiling ay sana'y magkaroon kayo nang maayos at masayang pamilya," aniya.

"At bilang panghuli, sabi nila 'pag daw ikinakasal ang mag-asawa, hindi lamang dalawa ang ikinakasal, tatlo. Hindi ako 'yun, ang Diyos 'yun. Kasama [dapat] ang Diyos sa iyong kasalan."

Panoorin ang trending na homily ni Fr. Sulit dito: