Juliana Parizcova Segovia, dumipensa kay Brenda Mage

To the rescue si Juliana Parizcova Segovia kay Brenda Mage

BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

12/15/2021 01:33 PM
Juliana Parizcova Segovia, dumipensa kay Brenda Mage
Photo credits to @juliana_parizcova on Instagram

Pagkatapos ng magkakasunod na batikos na natatanggap ngayon ng Pinoy Big Brother housemate na si Brenda Mage, to the rescue ang isa sa malapit na kaibigan ng komedyante na si Juliana Parizcova Segovia para ipagtanggol ang kaibigan.

Sa pamamagitan ng isang mahabang social media post, dumipensa si Juliana kay Brenda na hinihikayat na ito na lumabas na sa bahay ni Big Brother. Ito ay kasunod nang naging reaksyon ni Brenda sa pagiging malapit ng kapwa housemates na sina Alexa Illacad at Eian Rances.

Brenda Mage, may patutsada kina Alexa Ilacad at Eian Rances: ‘Kakasuka’


“Brenda Mage. Sige na lumabas ka na ng bahay ni kuya,” bungad na pahayag ni Juliana sa mahabang Facebook post para sa kaibigan.

Patuloy ni Juliana, nasisira na ng maraming batikos ang pangalan na iniingatan ni Brenda bilang isang komedyante.

“Masyado ka ng durog na durog dahil sa mga nakikita nila at bilang isang tunay na kaibigan mas gusto ko na lumabas ka para maisalba mo pa ang pangalan mo na unti-unting nasisira habang nasa loob ka ng bahay. Dito mo sa labas ipagpatuloy ang pangarap mo.”

Para pa kay Juliana, sa outside world maramdaman ni Brenda ang tunay na pagmamahal mula sa kaniyang mga malalapit na kaibigan ng walang panghuhusga.

“Dito sa labas mo ipagpatuloy ang pagpapasaya mo. May mga pagkakamali ka pero maitatama mo lahat un kung lalabas ka na at tiyak ko na sa paglabas mo maisasalba mo pa ang pangalan na matagal mong binuo, iningatan, at inalagaan. Labas na Brends tulad ng sinasabi ko lagi sa ‘yo noon,sa isang pagkakamali mo malilimutan nila kung ilang beses mo sila napasaya. ‘Yan ang masakit na realidad ng buhay.”

Aniya, bilang isang kaibigan, apektado siya sa mga nababasa at batikos ng netizens na ibinabato sa kaniyang kaibigan.

“Masakit bilang isang kaibigan na makita ung masasakit na salita na binibitawan nila sa ’yo, pero un lang kasi ang nakikita nila. Tandaan mo MAY KAIBIGAN KA PA RIN PAG LABAS MO,” pahayag ni Juliana na sinundan ng heart emoji.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang journey ni Brenda Mage bilang isa sa mga celebrity housemate sa Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10.