• Home
  • Fresh Scoops
  • Present sa nasabing groundbreaking ang pamilya ni Nadine Lustre.

Nadine Lustre, nagpa-groundbreaking sa Siargao; may ipinapatayong bahay?

Present sa nasabing groundbreaking ang pamilya ni Nadine Lustre.

BY
Pao Apostol

FRESH SCOOPS

11/11/2021 05:49 PM
Nadine Lustre, nagpa-groundbreaking sa Siargao; may ipinapatayong bahay?

Usap-usapan nitong mga nakaraang araw ang naging pagbisita ng pamilya ni Nadine Lustre sa Siargao. 

Nagkaroon ng pagkakataon ag pamilya ni Nadine para maka-bonding ang award-winning na aktres at para na rin mas makilala pa ng lubusan ang rumored boyfriend nito na si Christophe Bariou. 


Mukhang sa Maison Bukana Resort na umano’y pag-aari ng nali-link sa aktres nanirahan ang kanyang pamilya habang nasa Siargao. 

Ito ay base sa mga retrato na ibinahagi ng ama ng Kapamilya star na si Ulysses Lustre.  

Sakto naman ang paglipad nila papuntang Siargao sa pagdiriwang ng ika-28 na kaarawan ng aktres. 

Ngunit tila mayroon pang isang ibang rason kung bakit binisita ng kanyang pamilya si Nadine. 

Rumored BF ni Nadine Lustre, spotted kasama ang pamilya ng aktres

Sa iba pang retrato na ibinahagi ng ama ni Nadine, makikita ang aktres at ang kanyang pamilya sa isang tila bakanteng lote at may suot na mga safety helmets at may hawak-hawak na mga pala. 

Nakalagay ang salita na “groundbreaking” sa caption ng ama ni Nadine na si Ulysses sa kanyang Facebook post. 

Nangyari ang nasabing “groundbreaking” dalawang araw bago ang mismong kaarawan ni Nadine. 

Masaya namang binati si Nadine ng kanyang mga tagahanga sa comments section ng post na ibinahagi ng kanyang ama. 

Samantala, Agosto nang unang mapabalita ang umano’y relasyon nina Nadine at Christophe. 

Ito ay matapos kumalat ang mga litrato nina Christophe at Nadine na magkasama. 

Sa ngayon, wala pa ring binibigay na kumpirmasyon si Nadine tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon. 

Nadine Lustre, rumored French boyfriend spotted na magka-holding hands

Ngunit kahit pa itanggi ng aktres na may namamagitan sa kanila, tila hindi maikakaila ang pagiging malapit nila sa isa’t-isa lalo pa’t may mga retrato nang kumakalat kung saan makikitang magkahawak ang mga kamay nilang dalawa.  

Bago naugnay si Nadine kay Christophe, ilang taon nitong naging kasintahan ang kanyang ka-love team na si James Reid. 

Taong 2020 nang lumabas ang mga bali-balitang hiwalay na sila na sa kalaunan ay kinumpirma din nila.