• Home
  • Fresh Scoops
  • Namaalam na si Kabayan Noli de Castro sa Kapamilya network; balak bumalik sa politika.

PANOORIN: Kabayan Noli de Castro, tuluyan nang namaalam sa ABS-CBN

Namaalam na si Kabayan Noli de Castro sa Kapamilya network; balak bumalik sa politika.

BY
Pao Apostol

FRESH SCOOPS

10/07/2021 08:22 PM
PANOORIN: Kabayan Noli de Castro, tuluyan nang namaalam sa ABS-CBN

Matapos ang mahigit na isang dekada simula nang magbalik-telebisyon, tuluyan nang namaalam si Kabayan Noli de Castro sa ABS-CBN. 

Ito ay kasunod ng kanyang pormal na paghahain ng kanyang kandidatura sa pagtakbo bilang senador sa darating na Halalan 2022.

Panoorin sa dulo ng livestream sa ibaba ang kanyang naging pahayag: 


Basahin ang buong pahayag ng ABS-CBN sa ibaba: 

"Ipinabatid na sa amin ng aming Kapamilyang si Noli ‘Kabayan’ De Castro ang kanyang hangaring tumakbo sa darating na halalan sa 2022.

“Nirerespeto ng ABS-CBN ang desisyon niyang ipagpatuloy ang paglilingkod niya sa bayan bilang isang opisyal ng gobyerno.

“Alinsunod sa aming patakaran, kailangang bitiwan ni Kabayan ang mga programang TV Patrol, Kabayan, at TeleRadyo Balita kapag pormal na niyang inihain ang kanyang kandidatura.

“Nagpapasalamat kami kay Kabayan sa kanyang serbisyo sa loob ng ilang dekada sa ABS-CBN News, kung saan naging malaking bahagi siya ng mga programang tumatak na sa kasaysayan at mga proyektong naghatid ng tulong sa publiko. Nagsilbi rin siyang gabay sa hene-henerasyon ng mamamahayag sa aming organisasyon.

“Nandito pa rin ang TV Patrol dahil sa pundasyong binuo niya kasama ang iba pang tagapagbalita sa ABS-CBN News sa mga nagdaang taon, at mananatili itong matatag habang patuloy naming hinaharap at pinagtatagumpayan ang mga pagbabago ngayon at sa mga darating na panahon.

“Maraming salamat, Kabayan!"

Una nang namaalam si Kabayan nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 7, sa kanyang programa sa Teleradyo. 

Itininuturing na haligi ng ABS-CBN News and Current Affairs si Kabayan dahil sa kanyang mga hindi malilimutang programa at serbisyo sa larangan ng pamamahayag. 

Unang nalulok si Kabayan sa senado noong taong 2001. Nagsilbi din siya bilang Bise President noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.