• Home
  • Fresh Scoops
  • Nabisita pa ni Mahal si Mura bago siya pumanaw dahil sa COVID-19.

Mura nagka-pneumonia, natakot matulad sa sinapit ni Mahal

Nabisita pa ni Mahal si Mura bago siya pumanaw dahil sa COVID-19.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/06/2021 12:41 PM
Mura nagka-pneumonia, natakot matulad sa sinapit ni Mahal

Tinamaan ng sakit na pneumonia ang komedyanteng si Mura o Allan Padua sa tunay na buhay. Ito ang lumabas sa resulta ng kanyang check-up.

Ang pagkakaroon ng pneumonia ang itinuturong isa sa dahilan kung bakit hindi nakaka-survive ang mga indibidwal na nagiging biktima ng nakamamatay na COVID-19  virus.

Ayon kay Mura, natakot siya para sa sarili dahil naaalala niya ang sinapit ng kaibigang si Mahal na namatay dahil sa severe acute respiratory distress syndrome at COVID-19 kaya nagdesisyon siyang magpatingin agad sa doctor.


Tinulungan ng YouTube vlogger na si Virgelyncares 2.0 si Mura para makapag-pacheck-up ito. Matatandaan na sa vlog din ni Virgelyn na-feature noon si Mura habang nagsasaka ito sa lugar nila sa Bicol. Ang naturang vlogger din ang unang nakakuha ng reaksyon ni Mura nung pumanaw ang kaibigan nitong si Mahal.

“’Yung baga ko nga kasi may pumupulupot na parang ulap, ganu’n. Papunta daw sa pneumonia ba yon?” kuwento ni Mura. “Naalala ko kasi si Mahal, wala na. So, sana maagapan…” nag-aalalang pahayag pa niya.

READ: Mura ‘di matanggap na patay na si Mahal: ‘Fake news na naman ata yan, eh!’

Kinumusta rin ng vlogger ang pakiramdam at paghinga ni Mura. At ang sagot dito ng komedyante, “Nahihirapan nga, eh. Parang may plema dito sa dibdib.

“Ang gamot na iniinom ko ubos na, eh. Gusto kong ma-continue ba ang pag-inom kung anong klaseng gamot para mabilis gumaling.”

Ayon kay Mura, may asthma na siya dati pa man pero naging bisyo pa rin daw niya ang paninigarilyo. Posible raw na dito niya nakuha ang sakit.

“Hindi naman ako umiinom, eh. Yosi lang dati. Pero tatlong linggo na akong walang yosi,” pag-amin niya.

READ: Mura, pagsasaka ang ikinabubuhay sa Bicol pagkatapos maaksidente at maawalan ng trabaho sa showbiz

Sa inilabas na resulta ng doctor tungkol sa checkup ni Mura ay nakumpirmang meron talaga itong pneumonia. Apektado daw nito ang ang kanyang upper left lung.

Bukod doon, normal naman daw ang puso nito at iba pang vital organs. Wala ring naging abnormalities sa kanyang bones kahit napilayan siya noon dahil sa isang aksidente.

Hindi na pinagbayad ng doctor si Mura sa check-up nito na nung una ay halatang nag-alala dahil baka mahal daw ang abutin nito. Muli ring inabutan ng vlogger si Mura ng cash assistance bago sila naghiwalay.